BIGO ang Kongreso na maipasa ang P3.757 trilyong pambansang budget subalit naipasa naman nito ang martial law extension (MLE) na gusto ni President Rodrigo Roa Duterte na mapalawig hanggang Disyembre 31,2019. Gagana ang pamahalaan sa pamamagitan ng reenacted budget.

Naibalik na sa Pilipinas ang mga kampana ng Balangiga (Balangiga Bells), Eastern Samar na tinangay ng mga sundalong-Kano noong 1901 o 117 taon na ang nakalilipas. Ang mga kampana ay itinuring bilang “spoils of war” o premyo sa pagkapanalo nila laban sa mga rebolusyonaryong Pilipino na sumalakay sa kanila, ang pagkalembang sa naturang mga kampana na ang naging hudyat ng kanilang paglusob.

Nais ng isang senador na isa sa tatlong kampana ay mailagak sa National Museum at dalawa na lang ang dalhin at ilagay sa St. Lawrence, Deacon and Martyr Parish Church. Tutol sa mungkahi ni Sen. Juan Miguel Zubiri ang taga-Eastern Samar, partikular ang taga-Balangiga, na ihiwalay ang isang kampanya sa dalawang kampana.

Tutol din ang mga lider ng Simbahan sa pangunguna ni Bishop Crispin Valdez ng Diocese of Borongan (Eastern Samar), na ilagak sa National Museum ang isang kampana, upang hindi na raw mahirapan pa sa pagpunta sa Balangiga ang mga taong nais makita at mga kampana. Kung baga sa triplets, bakit nga ba paghihiwalayin ang tatlo.

Sa kanyang State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo, hiniling ni PRRD sa United States na ibalik ang Balangiga Bells sa Pilipinas sapagkat ang mga ito ay pag-aari ng ating bansa. “Ibalik ninyo sa amin ang mga ito, masakit sa amin ito. Bahagi ito ng aming national heritage,” pahayag ng Pangulo sa kanyang SONA na dinaluhan ng US Ambassador.

Dahil sa political will ni PDu30 tungkol sa isyu ng mga kampana, naibalik ang mga kampana sa bansa na pinatutugtog sa Simbahang-Gabi ng mga taga-Balangiga. Ang Balangiga Bells ay inihatid sa bayan noong Biyernes at noong Sabado inilagay sa Simbahan.

oOo

Naghain ng mga kaso ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) noong Huwebes laban sa ilang dating opisyal ng gobyerno na sangkot umano sa shabu smuggling na nagkakahalaga ng P11 bilyon at nakasilid sa apat na magnetic lifters. Natagpuan na wala nang laman ang lifters sa isang bodega sa GMA, Cavite. Inupuan ang mga ito ng sniffing dogs, tanda na ang laman ay shabu.

Sa kaso ng PDEA, hindi kasama sa habla si ex-Customs Commissioner Isidro Lapeña. Nagtataka ang taumbayan. Nagtataka rin ang publiko kung bakit hindi nagpahayag ng sobrang galit si PRRD sa pagkakapuslit ng bilyun-bilyong pisong halaga ng shabu kumpara sa pagkagalit niya kapag may natutuklasang mga insidente na mas maliit kaysa P11 bilyong nakalusot sa Bureau of Customs (BoC).

Bakit nga kaya? Nasaan na ngayon ang bultu-bultong shabu na naipuslit sa BoC? Naipamahagi na kaya ito sa maraming lugar sa bansa? Kung gayon, tuloy ang drug-pushing at drug-using sapagkat may supply ng shabu ang mga tulak at adik.

-Bert de Guzman