Sa isang sorpresang desisyon, inaasahang uuwi sa bansa ngayong Miyerkules ang katatapos lang koronahang si 2018 Miss Universe Catriona Gray, dalawang araw makaraan niyang mapanalunan ang prestihiyosong titulo sa Bangkok, Thailand nitong Lunes.

Ito ang unang pagkakataon, sa nakalipas na mga taon na binago ng nanalo sa pageant ang routine sa pagbabalik sa kanyang bansa.

Dati, ibinibiyahe ang bagong Miss Universe sa New York City ilang araw matapos siyang koronahan. Pero sa kaso ni Gray, uuwi muna siya sa Pilipinas bago siya dumiretso sa New York City.

Darating si Gray sa Metro Manila ngayong Miyerkules ng hapon at magsasagawa ng press conference sa Domestic Road sa Pasay City, ayon sa press invitation na ipinadala kahapon.

National

VP Sara sinabing si Romualdez ang gustong pumatay sa kaniya

Makakasama ni Gray sa kanyang unang press conference sa Pilipinas bilang 2018 Miss Universe sina dating Ilocos Sur Gov. Luis “Chavit” Singson at anak niton na isa sa mga hurado sa Miss Universe 2018, si Ms. Richelle Singson-Michael. Ihahayag ni Gray sa media ang mga plano niya bilang bagong Miss Universe.

Inaasahan ding dadalo ang Filipino-Australian beauty queen sa isang charity event para sa isang pribadong organisasyon habang narito pa siya sa bansa.

Pagbalik sa Amerika, diretso si Gray sa kanyang apartment sa New York City, sa pagsisimula ng kanyang mga tungkulin bilang bagong Miss Universe.

Ang bagong apartment, kasama ng isang-taong suweldo bilang Miss Universe at living expenses, ay bahagi ng kanyang napanalunan.

“I’m so excited! I have so many Broadway shows that I love to see. And it would be awesome to experience autumn and winter,” sabi ni Gray tungkol sa isang taon niyang pananatili sa New York.

“I definitely want to visit Indonesia. I’ve never ever been. And also I want to visit Europe. I’ve never been to Europe.”

Sinabi rin ni Gray na hindi pa niya sigurado kung saan siya magpa-Pasko sa susunod na linggo, pero nais niyang makasama ang kanyang pamilya at mga kaibigan.

“‘As Miss Universe I would like to expand my platform on education and HIV/AIDS in the Philippines. It’s something that I am passionate about because few years ago, I lost a friend from complications on HIV. I want to pursue public HIV testing. Other than that I want to promote education for the youth in impoverished areas. And of course, I will promote other causes that come my way,’” sabi pa ni Gray.

-ROBERT R. REQUINTINA