KUMPARA sa unang Divas Live noong 2016 na umapaw nang husto ang Smart Araneta Coliseum, nasa 80% namang napuno ang venue sa Divas Live II concert, kasama ang Boyz II Men, nitong Sabado, Disyembre 15.

Kyla, KZ, Angeline, at Yeng

Maraming na-excite nang malamang may Divas Live II sa Araneta at nalaman namin ito sa first quarter ng 2018, pero biglang in-announce na back-to-back na raw sina Yeng Constantino, Angeline Quinto, Kyla, at KZ Tandingan sa kilalang American R&B group na nagsimula noong 1985, ang Boyz II Men.

Unang sumalang ang Divas sa awiting I Will Survive at talagang hiyawan ang lahat ng nasa Araneta na muli silang mapanood.

Blind Item

Content creator, 'di kinaya ugali ng dating Sang'gre sa concert ng BINI: 'Pipi na ba kayo?'

Si Yeng ang unang nag-solo sa awiting Kisap Mata (Rivermaya) at El Bimbo (Eraserheads), at mahusay talaga ang Pinoy Dream Academy grand winner. Ikalawang spot number niya ang This Is Me (soundtrack ng The Greatest Showman).

Sinundan siya ni Angeline na umawit ng Love of My Life/Bohemian Rhapsody medley na talagang hiyawan ang tao, dahil kering-keri niya ang matataas na tono, habang Himig Handog medley naman ang second spot niya.

Kumpleto naman ang Divas sa tribute nila para sa namayapang Queen of Soul na si Aretha Franklin, sa awiting Natural Woman (You Make Me Feel Like).

Si Kyla ang naiwan sa stage para sa awitin ng Beatles, at ang ikalawang spot number niya ay ang How High the Moon, na original song ng American jazz singer at tinaguriang Queen of Jazz na si Ella Fitzgerald. Ito ang forte ni Kyla, at ang galing niya, huh!

Paglabas ni KZ, hiyawan na ang lahat, ang lakas ng dating talaga ng bulilit singer ng Cornerstone, na umawit ng Yugyugan Na, na pinasikat ng bandang The Advisors (nasaan na kaya sila ngayon). Talagang sinasabayan pa ni KZ ang bass guitar sa baba ng tono niya.

Ikalawang spot number ni KZ ang Rolling in the Deep, na intro pa lang ay hiwayan na ang lahat ng nasa Big Dome. Kahit ilang beses nang narinig na kinanta ni KZ ang bersiyon niya ng nasabing Adele song ay hindi pa rin ito sinasawaan ng fans, lalo na ang rap segment.

Natawa kami sa narinig naming komento: “Mahusay talaga si Yeng, rocker talaga siya, pero mas magaling si KZ, kasi baliw-baliwang rocker naman siya. Sina Angeline at Kyla, keri naman. Mahahalata mo sino magaling ‘pag nagsama-sama. Pero kapag solo-solo, magagaling sila.”

Oo nga, tama naman. Kakaiba si KZ. Kering-keri niyang makipagsabayan sa banda, sina Angeline at Kyla kanta lang nang kanta.

Teka, anong nangyari kay Angge, bakit parang hindi namin siya narinig na nag-joke-joke. Napakaseryoso niya nu’ng gabing ‘yun? Hinahanap ng tao ‘yung banter nilang apat, gaya sa nakaraang concert nila two years ago.

Kinanta rin ng apat ang mga hit songs nila, tulad ng Ikaw, Hanggang Ngayon, Mahal Ko o Mahal Ako, at Patuloy ang Pangarap.

Ang finale ng Divas ay ang I’m Every Woman ni Whitney Houston.

Nang ang Boys II Men na ang umawit ay napatunayang marami pa rin ang may gusto sa grupo mula sa Philadelphia, Pennsylvania—na nagpasikat ng mga awiting On Bended Knees, ‘Til the Water Runs Dry, at I’ll Make Love To You—dahil hiyawan to the max ang concertgoers din habang nagpe-perform sila.

Pero ang pinaka-highlight ng concert para sa amin ay nang mag-collaborate ang Boyz II Men at Divas sa awiting Open Arms (Journey) at One Sweet Day (Mariah Carey).

Nagulat siguro ang isa sa mga orihinal na boyband ng Amerika dahil ang nakipagsabayan talaga sa kanila ang apat na Divas kahit gaano kataas ang mga tono nila.

Si KZ ang nangingibabaw sa kanilang lahat, at dahil nosebleed na sina Angeline at Yeng, samantalang si Kyla ay hindi marinig ang sinasabi dahil may takip ang tenga niya, ang Dabaweñang singer ang nagpakilala sa mga kasama niya sa Boyz II Men.

“Don’t worry, I will answer for you (sa ibang Divas),” biro ni KZ. Kaya tawanan ang lahat at hinihiyawan ang tinaguriang Asia’s Soul Supreme.

Masayang ibinalita naman ng Boyz II Men na isasama nila ang Divas sa kanilang tour, kaya naman tuwang-tuwa ang apat.

Nagsanib naman ang Willbros at Cornerstone bilang producers sa multi-million pesos show na ito ng Boyz II Men with Divas Live in Concert, na si John Prats ang stage director.

-REGGEE BONOAN