NAG-UWI ng dalawang silver medal ang mga pambato ng Pilipinas sa Pencak Silat na sumabak sa katatapos na 18th World Pencak Silat Championship na ginanap sa Singapore Sports Hub’s OCBA Arena.
Ang tubong Aklan na si Cherry May Regalado at ang trio nina Jefferson Rhey Loon, James ElMayagma at Rich Rod Ortega ay sumegunda sa kani-kanilang dibisyon.
Nakuha ni Regalado ang kanyang silver buhat sa Tunggal Puti event, habang nagwagi naman ng ikalawang puwesto sa team event ng Regu Putra sina Loon, Mayagma at Ortega.
“I am still thankful with this medal because I know I did my best during the competition,” pahayag ng 2018 Asian Games bronze medalist na si Regalado.
Ito ang ikaapat na medalya na nakuha ni Regalado sa taong ito bukod pa sa kanyang nakuhang dalawang gintong medalya buhat sa 18th Asian Games Invitational Tournament at sa 9th UPSI International Silat Championship 2018, na ginanap sa simula pa lang ng taon.
Kabuuang 300 atleta buhat sa mahigit 40 bansa ang sumabak sa apat na araw na kompetisyon na nagsimula nitong Disyebre 13.
-Annie Abad