GAPAN CITY – Libu-libong magsasaka sa Nueva Ecija ang apektado sa sa pagkakatigil ng supply ng tubig mula sa irigasyon ng National Irrigation Administration (NIA).
Ito ay nang mabansot o hindi lumaki nang husto ang tanim na palay ng mga ito dahil na rin sa kakulangan ng supply ng tubig ng ahensiya.
Partikular na nagrereklamo ang mga magsasaka ng Cabiao sa lalawigan.
Ayon kay Rolando Lazaro, lehitimong magsasaka sa lugar, kulang ang natatanggap nilang patubig para sa kanilang pananim na nagresulta sa pagkabansot ng kanilang palay.
Depensa naman ni Leonardo Ramos, hepe ng NIA-UPRIIS (Upper Pampanga River Integrated Irrigation Services), madalang ang pag-ulan nitong nakaraang buwan, kaya nakaranas ng kakulangan ng patubig sa lahat ng lugar na sinusuplayan ng ahensiya.
Bukod sa Cabiao, pinapatubigan din ng NIA ang San Isidro, Gapan City at Peñaranda sa Nueva Ecija.
Apektado rin ang San Ildefonso at San Miguel sa Bulacan at ilang bahagi ng Candaba sa Pampanga.
-Light A. Nolasco