PANIBAGONG isang taon ang ibinigay na pagpapalawig sa martial law sa Mindanao sa bisa ng pakiusap ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa Kongreso. Inirekomenda ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at ng Philippine National Police (PNP) kay Mano Digong na palawigin pa ang ML upang mahadlangan ang “rebelyon” at terorismo ng Maute Group, Abu Sayyaf Group, Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) at ng karahasan, pagtambang at pagpatay ng New People’s Army (NPA).
Samakatuwid, ang ikatlong ML extension ay mula Enero 1, 2019 hanggang Disyembre 31,2019. Umaasa ang sambayanang Pilipino na marahil ay wala na ang mga banta ng mga teroristang MG, ASG, BIFF at NPA. Umaasa ang taga- Mindanao, taga-Visayas at tag-Luzon na ang Ibon ng Kapayapaan ay makadarapo na sa Katimugan.
oOo
Anim sa 10 Pilipino ay naniniwalang kikilos at ipagtatanggol ng United States ang Pilipinas sakaling salakayin at sakupin ng ibang bansa ang PH. Eh sino ba sa palagay ninyo ang dayuhang bansa na ito?
Kung naniniwala kayo sa survey ng Social Weather Stations (SWS), lumilitaw na 61% ng adult Filipinos ang bilib na ididepensa ng bansa ni Uncle Sam ang bansa ni Juan dela Cruz laban sa mananakop. Ang SWS survey ay ginawa noong Hunyo 27- 30, 2018.
oOo
Binalewala lang ng Malacañang ang gawad o award na ipinagkaloob ng TIME Magazine kay Maria Ressa ng Rappler bilang “Person of the Year.” Ipinagkibit-balikat ni Presidential Spokesman Salvador Panelo ang Person of the Year Award ng TIME kay Ressa dahil sa kanyang role o gampanin sa proteksiyon ng press freedom sa Pilipinas sa gitna ng pag-atake ni PRRD.
Iginiit ni Sal Panelo na hindi sinisikil ni PDu30 ang press freedom sapagkat mayroon pang mga kritiko na patuloy sa pagbatikos sa administrasyon, patunay na masigla ang malayang pamamahayag sa Pinas.
“Walang sino mang inuusig sa pagbatikos sa administrasyon,” sabi ni Panelo. Pero para kay Ressa, ang mga bintang at kaso laban sa kanya at mga kasama ay “politically motivated” dahil wala naman silang ginagawang masama o iregular. Tinutupad lang nila ang tungkulin bilang kagawad ng media.
Binigyang-diin ni Ressa na ang Rappler ay hindi foreign-owned o pag-aari ng dayuhan. Ito ay 100% Filipino at hindi rin sila umiiwas sa pagbabayad ng tamang buwis.
Sa kanyang Twitter, pinasalamatan ni Ressa ang TIME dahil sa pagtuturing sa kanya bilang isa sa mga “guardians” ng press freedom o pagtindig para sa katotohanan sa harap ng mga persecution at karahasan.
oOo
Parang isang mantra, paulit-ulit na sinasabi ng ating Pangulo na “Just a whiff of corruption” o sa isang kaluskos ng kurapsiyon, sisibakin niya ang sinumang hepe ng departamento o ahensiya. Nagtatanong ang mga tao: “Eh bakit ‘di pa niya sibakin si Budget Sec. Benjamin Diokno na kinukuwestiyon ng mga mambabatas ang integridad ‘for accommodating and merging family with public interests?’”
May ulat na nag-insert umano si Diokno ng bilyun-bilyong pisong pork barrel sa Dept. of Public Works and Highways (DPWH).
Ayon kay Minority Leader Danilo Suarez, binigyan ng akomodasyon ni Diokno ang balae nito upang matamo ng kumpanya nito ang mga kontrata sa gobyerno na bilyun-bilyong piso ang halaga.
Itinanggi ito ni Diokno. Gayunman, kung paniniwalaan ang lagi nang sinasabi ng ating Pangulo tungkol sa kurapsiyon na “Just a whiff of corruption”, aba dapat ay sibak na si Diokno.
-Bert de Guzman