Nasabat ng mga awtoridad ang matataas na kalibre ng baril at mga bala sa isang mag-asawa na umano’y nagsu-supply ng mga armas sa Maute Group, Abu Sayyaf Group (ASG) at ilang pulitiko, sa isang entrapment operation sa Valenzuela City, nitong Linggo ng gabi.
Ang mga suspek ay kinilala ni Philippine National Police (PNP) Director General Oscar Albayalde na sina Edgardo Medel, 46; at Rosemarie Medel, 34, parehong taga-Land Ville Subdivision, Barangay Pambuan, Gapan City, Nueva Ecija.
Ang dalawa ay dinakma ng mga tauhan ng National Capital Region Police Office (NCRPO)-Regional Special Operations Unit (RSOU), at Regional Intelligence Division (RID) nang ibenta umano ng mga ito ang dalawang assault rifle, isang pistol, at 12,893 rolyo ng bala, na aabot sa P1.2 milyon.
Bago ang operasyon, nakatanggap ng impormasyon ang NCRPO kaugnay ng pagsu-supply ng mag-asawa ng maramihang baril at bala, kapalit ng malaking halaga ng salapi.
Ang entrapment operation ay ipinatupad sa isang service station sa North Luzon Expressway (NLEX) habang nakasakay sa isang van (REV-675) ang mag-asawa, dakong 6:30 ng gabi nitong Linggo.
“I just cannot imagine the death and destruction that will result should these war materials fall into the hands of the New People’s Army or the Abu Sayyaf Group,” sabi ni Albayalde.
-Martin A. Sadongdong