“SABIHIN na lang ang ganito: Ikinatutuwa ko ito. Hindi ba ako ang nagtanong noon kung ang aking ginagawa ay walang kuwenta, kung pinapagod ko lang ang aking sarili? Sinabi ko noon na sapat na kung nadarama nilang may nagbabantay sa gumagalaw ng budget. Sapat na iyon para sabihin ko sa aking sarili na ang ginagawa ko ay makabuluhan,” pahayag ni Senator Ping Lacson sa mga mamamahayag.
Nasabi niya ito dahil pagkatapos niyang ibunyag ang multibillion-peso pork sa panukalang P3.8-trilyon budget para sa 2019, may lumabas na bagong alegasyon na mayroon pang mga mambabatas na nabigyan ng mas malaking alokasyon para sa kanilang mga distrito. Mayroon ding kontraktor na naka-corner ng mga pangunahing proyekto ng gobyerno.
Nauna nang ibinunyag ni Sen. Lacson, sa pagrerepaso niya ng panukalang budget galing sa Kamara, na si Speaker Gloria Macapagal-Arroyo ang may pinakamalaking pork barrel sa mababang Kapulungan ng Kongreso. Pagkatapos ng huling minutong pagbabago bago ipasa sa Senado ang budget, may nakalaang P2.4 bilyon halaga para sa proyekto sa distrito ng Speaker, ayon kay Lacson.
Aniya, para sa farm-to-market road inilaan ang P500 milyon. Sa distrito naman ni Majority Floor Leader Rolando Andaya, bagamat hindi ito pinangalanan ng senador, may alokasyon itong P1.9 bilyon pang-proyekto. Ang dalawang ito, ayon sa Senador, ang may pinakamalaking pork barrel dahil ang halos lahat o lahat na ng mga congressman ay may tig-P60 milyon halaga ng proyekto.
Ang bagong alegasyong ikinatuwa ni Lacson hinggil sa pork barrel ay ginawa naman ni Andaya. Si Andaya ang siyang budget secretary noon nang ang Pangulo ay si Speaker Arroyo. Sa liham na ipinadala ni Andaya kay Pangulong Duterte, hindi ang Speaker ang may pinakamalaking alokasyon sa budget, kundi sina dating Speaker Pantaleon Alvarez, Davao City Rep. Karlo Nograles, na pamangkin ng Pangulo at ngayon ay kanyang Cabinet secretary at dating Majority Floor Leader na si Rudy Farinas.
Si Alvarez, aniya, ay may P5 bilyon, si Nograles ay P4 bilyon at si Fariñas ay P3.5 bilyon. May “executive pork” pa na inihayag ni Andaya.
Aniya, ang bilyun-bilyong piso na hindi nagastos ng administrasyong Duterte ay isiningit sa budget ni Budget Secretary Benjamin Diokno. Halos lahat daw ng mga proyekto na pinaglaanan ng P70 bilyon ay nai-biding na bago pa man maaprubahan ang budget.
Sa iisang tao, na ang business name ay CT Construction and Trading, naibigay ang mga proyekto na nakakalat sa iba’t ibang bahagi ng bansa gayong ang negosyo nito ay nakabase lamang sa Bulacan. Konektado ang taong ito, ayon kay Andaya, sa mga miyembro ng Gabinete ni Pangulong Digong, na sila umanong makikinabang sa bilyun-bilyong pisong executive pork na idinagdag ni Diokno sa budget.
“Hindi ko lubusang masasabi na ito ay pagliligaw dahil lumaki ang isyu na siyang magpapalawak sa aming pag-eeksamin sa national budget,” wika ni Lacson.
Hindi diversionary tactic ang ginawa ni Andaya kundi paglalahad ng katotohanan kung sino ang mga higit na makikinabang sa pork barrel.
Ang talagang pagtatakip ng panibagong pagsasamantala sa kaban ng bayan habang naghihirap ang sambayanan ay ang pagpapasa ng Kamara ng panukalang baguhin ang Saligang Batas. Alam ng mayoryang
mambabatas na gagawa ito ng gulo dahil lahat yata ng laban sa pagbabago ay inilagay nila sa panukala. Ang Constituent Assembly na nilikha ng Pangulo ay laban dito.
Ang Pangulo mismo ang nagsabi na mangangampanya siya mismo laban sa panukala kapag ito ang mangingibabaw na paaprubahan sa taumbayan.
-Ric Valmonte