Binalaan ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) ang mga tauhan nito na huwag kumampi sa sinumang kandidato kaugnay ng 2019 midterm elections.
Ayon kay PNP Chief Director General Oscar Albayalde, hindi siya nagkulang sa pagpapaalala sa kanyang mga tauhan kaugnay ng nasabing usapin.
“It is important. We have been reminding our commanders on the ground not to be partisan, not to participate in any political activity or side with any politician, whether incumbent or candidate,” aniya.
Ito, aniya, ang dahilan kung bakit madalas niyang hinihiling sa mga hepe ng pulisya at mga tauhan niya sa buong bansa na ideklara kung mayroon silang kaanak na tatakbo sa halalan.
Matatandaang binalasa ng pamunuan ng PNP ang ilang tauhan nito na nagdeklara may mga kaanak silang kumakandidato sa lugar ng kanilang assignment.
“We will not hesitate to relieve these commanders kung meron tayo makitang commander ng pumapanig sa mga kandidato,” aniya.
Sinabi ni Albayalde na layunin nitong matiyak na magiging malinis at tapat ang halalan sa bansa sa Mayo 13, 2019.
-Aaron Recuenco