PAGKATAPOS ng presscon ng pelikulang Mary Marry Me nina Toni Gonzaga, Alex Gonzaga, at Sam Milby, na entry ng Ten17 Productions at TINCAN Productions sa 2018 Metro Manila Film Festival (MMFF), at idinirek ni RC delos Reyes, ibinahagi ng una na noong mga bata sila ay nangangatok sila sa mga kapitbahay nila sa Taytay, Rizal para mamasko. At kung anuman ang mapamaskuhan nila ay ito ang ipinanggagastos nila para makapanood ng MMFF entries.

“Mga 12 years old ako (nangangatok), kasi 13 (years old), nag-try na akong mag-artista. Tapos mga napamaskuhan namin, ipampapanood namin ng sine sa 25 (December),” kuwento ni Toni.

Magkano ang napapamaskuhan nila ni Alex?

“Mga 500, o ‘di ba? Eh, ang sine lang noon, fifty pesos, kaya malaki na. Pinakamababang ibinibigay sa amin 20 pesos, minsan may magbibigay ng 100 pesos. Ang saya ng Pasko nu’ng mga bata sa amin.”

Blind Item

Content creator, 'di kinaya ugali ng dating Sang'gre sa concert ng BINI: 'Pipi na ba kayo?'

At dahil nakakaangat na sa buhay ang pamilya Gonzaga kaya panahon naman na ibalik nila ang mga blessings na natanggap nila kapag may nangangatok din sa bahay nila.

Samantala, inamin ni Toni na silang dalawa ni Alex ang producers ng Mary Marry Me, at ngayon na niya naiintindihan kung gaano ang hirap ng mga taong taga-production.

“We produced the film,” saad ni Celestine (tunay na pangalan ng aktres).

Tinawag ni Toni na TINCAN ang bagong tatag na film production niya.

“Under Ten17 siya, kasi ‘yung mga glossy films na gusto kong gawin na feel good, parang ‘yun na ‘yung clout ko. Kasi ‘yung Ten17 pang award-winning films, ‘yung sa akin pang-mainstream naman,” paliwanag ng TV host/actress.

Ibinuking naman ni Alex na hands-on ang Ate Toni niya dahil kapag may napapansin siyang dapat ganito o ganyan ay sa kanya sinasabi.

“Panay ang bulong ng Ate ko na dapat ganito o ganyan. Feeling ko hindi niya masabi, kaya ako ang tagasabi, tapos sisitahin ako bakit ko raw sinabi,” kuwento ng TV host/actress/vlogger.

Napapangiti lang si Toni, sabay sabi: “Para sa ‘yo ko lang ‘yun sinasabi.”

Ang asawang si Direk Paul Soriano, na may-ari ng Ten17 Productions, ang nag-push kay Toni na mag-produce na rin siya ng pelikula.

Sabi raw ni Direk Paul kay Toni, “If something that scares you, you should do it more, because you will never learn if you never try.”

At ibinuking din ni Mrs. Soriano na someday ay plano niyang mag-aral ng filmmaking, dahil payo rin sa kanya ni Direk Paul na siya naman ang magdidirek.

“Oo, sana next year, matuloy ‘yung mga plano. Mag-aaral ako dito. Gusto kong gumawa ng pelikulang pang-Pilipino so kailangan kong aralin ‘yung audience ng Pinoy.

“It’s been at the back of my head na i-try, kasi I have so many concepts na pini-pitch ko for Star Cinema, then na-approve ‘yung iba. So hopefully, matuloy. Under Star Cinema pa rin naman ako, so puwedeng co-prod with TINCAN.

“Actually, before we did the Mary Marry Me, nagpaalam ako sa Star (Cinema), pinitch ko pa nga ito kina Inang (Olive Lamasan), kina Ma’am Charo (Santos-Concio), tapos nagbigay pa nga sila ng inputs. Tinulungan din ako nina Inang, nagbigay sila ng suggestions para mapaganda ‘yung pelikula. At saka nu’ng time na ‘yun hindi pa naman nila alam na mag-MMFF din kami.”

Maski na anong kulit kay Toni kung magkano ang inabot ng Mary Marry Me ay hindi talaga siya nagbanggit ng presyo.

“Hindi namin maibigay ang budget. ‘Pag kumita na, saka ko sasabihin, ‘bumalil na ang in-invest’.”

Aminado ang magkapatid na kabado sila sa inilabas nilang investment sa Mary Marry Me.

“Ganu’n naman talaga, ‘di ba. ‘Pag malaki ang binet mo, expected mo, malaki rin ang balik. So, kung hindi bumalik, it’s always a learning process,” saad ng panganay nina Vice Mayor Bono at Mommy Pinty.

Pero ipinagmamalaki naman ni Toni na ang Happy Cup Milk Tea nila ni Alex ay bumalik na ang puhunan.

“Nag-ROI (return of investment) na kami, two years ago at mayroon na kaming 80 branches. Thank you Lord.”

Ano ang realization ni Toni bilang first-time producer? “Ang hirap, mahirap gumawa ng pelikula. Akala natin (madali) lang. Ngayon ko napi-feel ‘yung napi-feel ng mga direktor na pagtatrabahuan mo nang ilang buwan tapos pag napanood ng tao, iba-bash lang nila parang ganu’n-ganu’n lang.

“Hindi nila alam ‘yung puyat, pagod dugo’t pawis na pinagdaanan. Tapos pag nag-bash sila about a certain film, parang ‘alam n’yo ba ‘yung mga pinagpuyatan namin?’ Kaya ngayon napi-feel ko na, ganu’n pala ‘yun. Kaya pala sensitive ‘yung ibang mga direktor at very critical sa film nila kasi nandoon sila from the very beginning.

“Twenty years na ako sa industriya kaya sanay na sanay na akong ma-bash. Siguro masakit din nang konti but I will always take everything in a constructive way to help me grow. I will try to filter what will not benefit me and I will try to absorb kung ano ‘yung makakatulong sa akin.”

At kung sakaling hindi bumalik ang pinuhunan nila ni Alex sa Mary Marry Me ay hindi pa rin siya titigil sa pagpo-produce ng pelikula.

“Yes, hindi naman dapat tumigil kapag bumagsak ka na sa isang bagay kasi hindi ka matututo. I think, one best asset ng mga winners is they’re not quitters. The winners in life are the one ones who never quit.

“And I experienced that sa journey ng career ko. Kung nag-quit na kaagad ako, hindi ko mae-experience ‘yung magagandang bagay na nakalaan para sa akin. So, just because you did not make it on the first try, doesn’t mean you won’t make it on the 1, 2nd, 3rd, 4th. Kahit hanggang 100 (times) try, for as long as you keep trying.”

Anyway, nabanggit na hands-off si Direk Paul sa Mary Marry Me dahil nang minsang magtanong si Toni sa asawa: “Sabi niya (Direk Paul) ‘don’t ask me, I have nothing to do with the film, ask your creative’. Kaya hindi siya nangealam totally.”

At kung dati ay nanonood lang sina Toni at Alex ng mga naggagandahang festival float ng mga artistang kasama sa Metro Manila Film Festivals, heto na sila ngayon, may sarili nang float para sa Mary Marry Me, na mapapanood na sa Disyembre 25 kasama sina Sam, Melai Cantiveros, Bayani Agbayani, at Moi Bien.

-REGGEE BONOAN