“KARAPATAN ng mga mambabatas ang magsingit sa budget, pero hindi ko alam kung ang kanilang mga isinisingit ay pork barrel, “sabi ni Budget Secretary Benjamin Diokno. Nawika niya ito dahil sa reklamo ng mga senador na may mga isiningit sa budget ang mga kongresista na kailangan nilang siyasatin. Nakasasagabal para sa kanila ang mga ito sa pag-apruba ng budget sa kakulangan na ng panahon.
Nauna nang inihayag ni Sen. Ping Lacson na sa panukalang budget ng 201 na nagkakahalaga ng 3.8 bilyong piso, 2.4 bilyong pisong halaga ng mga proyekto ay inilaan sa distrito ni Speaker Gloria-Macapagal Arroyo, samantalang 1.9 bilyong piso sa distrito ni Majority Floor Leader Rolando Andaya. Pero, ayon kay Andaya, hindi iyong distrito ni Arroyo o ng sinumang kanyang kaalyado ang napaglaanan ng pinakamalaki sa budget kundi iyong kay dating Speaker Pantaleon Alvarez. Sa liham ni Andaya kay Pangulong Duterte, sinabi niya na limang bilyong piso ang inilaan sa mga proyekto ni Alvarez sa kanyang distrito sa Davao del Norte. Kaya, aniya, ang kanyang distrito ang may pinakamalaking natanggap na infrastructure allotment. Si dating Davao City Rep. Karlo Nograles, na pamangkin ng Pangulo na ngayon ay kanyang Cabinet secretary, ay may apat na bilyong piso, samantalang si dating Majority Floor Leader Rudy Farinas, Ilocos Norte Rep, ay 3.5 bilyong piso.
Tatlong araw makaraang sabihin ng Malacañang sa liderato ng Kamara na ipaliwanag ang mga bilyong pisong pork barrel realignment sa budget, nag-privilege speech si Andaya. “Ayon sa imbestigasyon ng Committee on House Rules hinggil sa epekto ng cash-based budgeting, nadiskubre ang large-scale scam. May mga miyembro ng Gabinete ni Pangulong Duterte ang makikinabang sa construction company na nakakupot ng 30 infrastructure projects na nagkakahalaga ng bilyun-bilyong piso,” pagbubulgar ni Andaya. Ang tinutukoy ni Andaya ay ang CT Leoncio Construction and Trading na pag-aari ni Consolacion Tubuhan Leoncio na nakabase sa Bulacan.
Ani Andaya, halos lahat ng P75 bilyong “executive pork insertion” ay nai-biding na, ang 30 infrastructure projects ay naibigay sa CT Construction and Trading bago pa man maaprubahan ng Kongreso ang budget. Kaya ang mga proyektong ito ay sa iba’t ibang lugar tulad ng Metro Manila at iba pang probinsya, kahit ang CT Trading ay nakabase lang sa Bulacan, at ito ay dahil daw sa koneksiyon nito sa mga miyembro ng Gabinete. Ang pagsingit sa budget ng bilyun-bilyong piso na hindi nagastos ng administrasyong Duterte ay ginawa umano ni Budget Secretary Diokno.
Kung karapatan ng mga mambabatas ang magsingit ng karagdagang alokasyon sa budget tulad ng tinuran ni Diokno, wala naman siyang karapatang gawin ito. Matinding problema ang kinakaharap ng sambayanan.
Sa nangyayari ngayon, sa kabila ng desisyon ng Korte Suprema na ilegal at unconstitutional ang pork barrel, may mga paraan pa rin hindi lang ang mga mambabatas kundi ang Department of Budget na maikutan ito sa pamamagitan ng paglalagay ng singit sa budget. Inakusahan ni Rep. Andaya si Budget Secretary Diokno na nagsingit ng “executive pork”. Ang malaking bahagi nito ay inilaan sa Sorsogon kung saan may mga kamag-anak siyang kumakandidato para sa darating na eleksyon. Hindi raw ito alam ng Pangulo, pero ayon sa kanyang Spokesperson na si Salvador
Panelo, may tiwala pa rin ang Pangulo kay Diokno. Ganoon din ang mga senador dahil ipinagtanggol nila ang kalihim. Ang basa ko rito, nilalapitan din ng mga ito si Diokno kapag may kailangan at naniniwala silang sumunod lang si Diokno sa utos na magsingit siya ng executive pork sa budget.
-Ric Valmonte