Pinaghahandaan na ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang rehabilitasyon ng Manila Bay, gamit ang estratehiyang nagpabalik sa orihinal na ganda ng isla ng Boracay sa Aklan.
Bagamat kilala sa maganda nitong sunset, ikinokonsiderang isa sa pinakamarumi sa bansa ang tubig ng Manila Bay dahil sa iba’t ibang uri ng basura at dumi na napupunta sa bahaging ito ng tubig.
Sinabi ni DENR Secretary Roy Cimatu na desidido siyang isailalim sa rehabilitasyon ang Manila Bay at ibalik ang ganda nito sa antas na maaaring paglanguyan, at pagdausan ng iba’t ibang aktibidad.
“We are preparing for an all-out strategy to bring the coliform concentration in Manila Bay to a safe level so that millions of people who reside in the bay region and neighboring areas will enjoy its waters and marine resources without fear of getting sick,” ani Cimatu.
Sinabi pa ng kalihim na umaasa ang DENR na maitulad ang Manila Bay sa nakamit ng Boracay, na bago sumailalim sa anim na buwang rehabilitasyon ay tinawag na “cesspool” ni Pangulong Duterte.
Ibinahagi rin ni Cimatu ang paglikha ng Manila Bay Command Center sa ilalim ng DENR-NCR upang mabantayan ang zonal operations ng apat na field office na itatayo sa anim na coastal cities ng Metro Manila: Malabon-Navotas, Manila, Pasay- Parañaque, at Las Piñas.
Hihingin din ng DENR ang tulong ng mga awtoridad laban sa mga lalabag sa batas, lalo na ang mga magtatapon ng anumang dumi sa Manila Bay.
-Ellalyn De Vera-Ruiz