KAHIT pagbali-baligtarin pa natin ang kalagayan ng hustisya sa bansa, lilitaw at lilitaw ang katotohanan na sa Pilipinas, ang nakakalaboso ay ang mga taong walang pang-areglo at ang agad namang naaabsuwelto ay ‘yung malakas at may kapit sa batas.

Nito lamang mga nakaraang araw ay halos magkakasunod nating nakita kung papaanong namayagpag sa mga sala ng hukuman ang mga taong malalakas ang kapit o may kaugnayan sa pamahalaan, kumpara sa mga taong yagit sa ating lipunan na sa konting kaso na kinasasangkutan – lalo pa’t may kaugnayan sa paggamit o pagtutulak ng droga – siguradong kalaboso at ‘pag minamalas-malas, sa mga bangketa na lamang bumubulagta at matatakpan ng diyaryo.

Kaya hindi na ako nagulat nang datnan ko ang mga kaibigan kong kargador ng gulay sa kanilang tambayan sa pondohan ng isang malaking palengke sa Maynila, na kani-kanyang bulalas nang nagngangalit na damdamin sa pinapanood na mga balita sa TV, habang naghihintay ng matatrabaho .

Partikular na tumaas ang init ng balitaktakan ng grupo nang umere ang balita hinggil sa pagkakaaresto ng panganay na anak ni Bureau of Corrections (BuCor) Director General Nicanor Faeldon sa isang umano’y “drug den” noong Biyernes ng madaling araw sa Barangay Mabolo, Naga City.

Ang mabilis na himutok ng isang kargador na nakasandal sa kanyang kariton: “Nakakainggit ang mga may kapit sa gobyerno, kahit huli na sa akto, sa loob pa mismo ng mga ‘bahay tsongkian’ inosente pa rin hanggang ‘di pa nada-drug test. Kung kagaya lang natin siguro ang mga nasakoteng ‘yan, malamang – nakipagbarilan agad ang drama sa atin.”

“Oo nga, may statement agad na inosente siya at nakatira pala siya sa isang bahay na iskoran ng ‘bato’ pero di niya alam!,” ang may pagka-sarcastic na dugtong naman ng isa.

‘Yung isa, sinabayan ng malutong na tawa ang binitiwan niyang salita: “Di niya raw alam, at inosente siya sa pangyayari – ikuwento niya yan sa pagong. Grabe talaga, ‘pag malakas at anak ng may sinasabi, tinuturuan agad ng mga arresting officer kung paano lulusot sa kaso!”

Dito na pumutok ang butse ng isang kargador na sa tingin ko ay pinakamatanda sa grupo na inumpisahan ang himutok sa matunog na mura kasunod ito: “’Yung bunso ko pumunta lang sa kanto para bumili ng yosi pagkatapos naming maghapunan, nasama agad sa ratratan. Sabog ang ulo sa tama ng bala. Huli raw sa akto na bumibili ng ‘bato’. Bumunot daw ng kalibre 38 kaya pinutukan nila. Kinargahan pa ng isang sachet!”

Ito naman ang masasabi kong hugot na may malalim na pinanggagalingan: “Noong pahinante ako ng truck na nagde-deliver ng gulay, gumamit kami ng ‘bato’ hindi para maging adik, kundi para ‘di kami antukin sa biyahe at kumita ng malaki. Sinamantala ito ng mga pusher na kumumbinsi sa amin na makakatulong ang shabu sa aming trabaho. At ang gagong tulak na ito ang siya ring nagsumbong sa narcotics agent na gumagamit kami kaya kami nasakote. Para huwag kaming makulong, ibinigay namin ang buong kargada sa mga operatiba at pinalabas naming na-high jack kami. ‘Yun, sibak kaming lahat sa trabaho!”

Sa bahagi naman ng balita na sinasabing nag-negatibo sa drug test ang Junior ni BuCor chief Faeldon, halos sabay-sabay na nag-“high five” ang mga ito kasabay ng malakas na tawanan na ramdam kong may halong malalim na kahulugan at pang-uuyam.

Mag-text at tumawag saGlobe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]

-Dave M. Veridiano, E.E.