TULAD ng inaasahan, sa kumpas ng Punong Ehekutibo, sumayaw ng Cha-Cha ang Kamara sa ilalim ng liderato ni dating Pangulo at ngayon ay Speaker Gloria Macapagal-Arroyo. Sa botohang 224-22 na may tatlong abstention, ipinasa ng House of Representatives (HOR) sa pangatlo at pinal na pagbasa ang draft charter version nito tungkol sa federal constitution o pagpapalit ng sistema ng gobyerno mula sa presidential tungo sa pederalismo.

Ang draft charter bill na nilalaman ng Both Houses Resolution No. 15 ay mismong si Arroyo ang pangunahing may-akda. Gayunman, may mga ulat na waring mabigat ang paa ng mga senador para umindak ng Cha-Cha. Masyado raw silang abala sa pagtalakay sa 2019 National Budget at sa pakiusap ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na palawigin pa ang martial law sa Mindanao hanggang sa susunod na taon.

Habang isinusulat ko ito, may joint session ang Kongreso tungkol sa isyu ng ML extension. Nangangamba ang ilang senador na bigla silang gulatin ng mga kongresista na talakayin din ang Cha-Cha o Charter Change. Sabi ng mga senador, kapag ginawa ito ng HOR members, sila ay magwo-walkout. Well, baka mapasigaw sila ng “Sons of a whore”, este “Sons of HOR.”

Kung paniniwalaan ang mga senador at senadora, ang Cha-Cha na aprubado ng HOR ni Speaker Arroyo ay “dead on arrival” sa Senado. Tingnan nga natin kung magmamatigas ang Senado na hindi talakayin ang Cha-Cha. Sabi nga ng kaibigan kong palabiro-sarkastiko-pilosopo: “Abangan natin kung hindi yuyuko ang mga senador kapag kinausap na sila ni PRRD.”

Nanindigan noon si Senate Pres. Vicente Sotto III na kulang ang panahon para pag-usapan at ipasa ang Cha-Cha upang isulong ang pederalismo dahil very busy sila sa pambansang budget (P3.757 trilyon) at sa ML extension issue sa Mindanao. Hala ka, Tito Sen, sinusuri ka ng taumbayan!

oOo

In fairness to all, dapat pasalamatan at papurihan si PRRD sa pagbabalik ng Balangiga bells sa Pilipinas na tinangay ng mga sundalong Amerikano noong 1901. Bagamat marami ang tumulong sa pagbabalik nito, namumukod si PDU30 sa political will na dapat ibalik ang mga kampana sa ‘Pinas sapagkat ito ay pag-aari ng bansa, partikular ng Simbahan ng Balangiga, Eastern Samar.

Ibigay natin ang kredito kay Mano Digong sa katuparan ng pagbabalik sa ating bansa ng tatlong kampana ng Balangiga na ginamit ng mga residente bilang hudyat sa pagsalakay laban sa mga tropa ng US. May 48 US troops ang napatay at marami ang sugatan. Bilang ganti ng mga sundalong Amerikano, sinunog nila ang lugar at pinatay ang may 2,000 residente, kabilang ang mga batang 10 taong gulang at kababaihan.

oOo

Well, well, sa wakas nakalabas din si Sen. Antonio Trillanes IV upang dumalo sa speaking engagements sa ilang lugar sa Europe at US sa kabila umano ng panggigipit ng Duterte administration para hindi siya makalabas. Of course, itinanggi ito ng Department of Justice (DoJ) at ng Malacañang.

Dahil walang HDO (Hold Departure Order) ang senador kahit sinampahan ng mga kasong libelo sa Davao City at inisyuhan ng arrest warrant, nagawa pa rin ni Trillanes na makalabas ng bansa dahil wala ngang HDO ang mga korte, kabilang ang dalawang hukuman sa Makati City Regional Trial Court.

oOo

Para kay Defense Sec. Delfin Lorenzana, peke ang listahan ng mga sangkot umano sa ouster plot laban kay PRRD na inilabas ng kanyang anak na si ex-Davao City Mayor Paolo “Pulong” Duterte. Imagine, sa listahan ng nagbabalak umanong magpatalsik sa ating Pangulo, kasama ang isang yumaong obispo, isang baldadong obispo, isang fictitious bishop, Vice Pres. Leni Robredo, ex-VP Jojo Binay, Jollibee at McDonald. Sino kaya ang nagbigay ng ganitong listahan kay VM Pulong?

-Bert de Guzman