ANG simula ng pagdiriwang ng Pasko sa iniibig nating Pilipinas ay inihuhudyat ng Simbang Gabi. At nitong madaling-araw ng ika-16 ng malamig na Disyembre ay sinimulan na ang masayang Simbang Gabi sa lahat ng mga simbahan at kapilya sa buong Pilipinas. Sa mga kababayan natin na may panatang dumalo sa Simbang Gabi at makinig sa Misa de Gallo, maaga pa’y gising na sila upang maghanda sa
pagsimba. Tampok sa Simbang Gabi ang Misa de Gallo na ginagawa ng siyam na madaling-araw, bilang paghahanda sa pagdiriwang ng Pasko pagsapit ng ika-25 ng Disyembre. Sa mga kababayan naman natin na hindi makagising ng 3:00 ng madaling-araw para dumalo sa misa, sila’y nagsisimba na lamang sa anticipated mass ng Simbang Gabi na idinaraos sa mga simbahan tuwing 8:00 ng gabi.
Ang Simbang Gabi ay inihuhudyat ng malakas na repeke o kalembang ng mga kampana sa simbahan at mga kapilya sa buong bansa. Ang repeke ng mga kampana ang panggising sa ating mga kababayan upang maghanda sa pagdalo sa Misa de Gallo. Sa ibang mga bayan sa lalawigan tulad sa Rizal, may banda ng musiko na lumilibot o nagpapasayo sa bayan at nagsisimula ito ng 2:30 ng madaling-araw sa harap ng simbahan. Mga awitin at tugtuging pamasko ang kanilang tinutugtog sa tiyempo ng martsa.
Sa tradisyong Pilipino at kalendaryo ng simbahan, ang Simbang Gabi ay siyam na sunud-sunod na madaling-araw na pagsisimba ng mga Kritiyanong Katoliko upang dumalo at makiisa sa Misa de Gallo. Nag-uumpisa ng 4:00 ng madaling-araw kasabay ng tilaok ng mga manok na tandang. Ito ay pagdiriwang at tradisyon ng mga Kristiyanong Katoliko habang hinihintay ang araw ng pagsilang ng Dakilang Anak ng Diyos na handog o alay ng Diyos Ama sa sangkatauhan.
Malalim na nakaugat ang pananampalataya ng mga kristiyanong katolikong Pilipino sa Simbang Gabi. Ang kanilang pananalig sa nag-iisang Diyos ay kasama sa kasaysayan ng tao. Marami ang naniniwala na ang pagdalo sa Misa de Gallo ay isang patunay ng moral vindication. Pinaniniwalaang may hatid din itong moral cleansing effect o ng magaan, maginhawang pakiramdam sa kaluuwa, puso, damdamin at kalooban.
Marami rin ang nagsasabi at naniniwala na ang Simbang Gabi ay isang gawain ng pagpapakasakit o sakripisyo, ng pag-ibig at debosyon. Sa mga kababayan natin na nagsi-Simbang Gabi, kailanagan nila ang lakas at sakripisyo upang gumising nang maaga sa malamig na madaling-araw ng Disyembre.
Sa paglipas ng panahon, ang Simbang Gabi ay naging bahagi na ng tradisyon at kultura nating mga Pilipino. Malinaw na ipinakikita ang ating national identity o pambansang pagkakakilanlan.
Ang Simbang Gabi para naman sa mga kababayan natin na tinamaan ng kalamidad, tulad ng bagyo, baha at lindol, ay may hatid na ginhawa, kapayapaan at pag-asa.
At sa marami nating kababayan, ang pagdalo sa Simbang Gabi ay isang panata at debosyon na kanilang tintupad. Sila’y nagpapasalamat sa Diyos sa mga blessing o biyayang natanggap nila sa loob ng isang taon. Sa pagdalo sa Simbang Gabi, kalakip o kasama sa dalangin ang patuloy na paghingi ng patnubay at gabay sa paglalakbay sa buhay, ilayo o iadya sa mga sakuna at karamdaman, pagkalooban ng mabuting kalusugan upang maayos na makapagtrabaho at makapaghanap-buhay at makatulong sa pamilya, mga anak at iba pang mahal sa buhay.
-Clemen Bautista