Inihayag kahapon ng Philippine National Police (PNP) na “generally peaceful” ang unang Simbang Gabi sa Metro Manila, na nagsimula kaninang madaling araw.

Ang unang Simbang Gabi kaninang madaling araw sa Las Pinas Bamboo Organ Church. ALI VICOY

Ang unang Simbang Gabi kaninang madaling araw sa Las Pinas Bamboo Organ Church. ALI VICOY

Ito ang naging assessment ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief, Director Guillermo Eleazar, sinabing batay sa ulat sa kanya ng limang police district, walang naitalang untoward incidents sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila.

Personal na nag-ikot at nagsagawa ng inspeksiyon kanina si Eleazar sa iba’t ibang simbahan, kabilang ang Quiapo Church, Sta. Cruz Church, Binondo Church, at Manila Cathedral.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Tiniyak pa ni Eleazar na magpapatuloy ang police visibility ng NCRPO hindi lang sa mga simbahan, kundi maging sa mga kalye upang matiyak na ligtas ang mga dadalo sa Simbang Gabi.

Nasa heightened alert status ngayon ang NCRPO, bilang bahagi ng Ligtas Paskuhan 2018 ng PNP.

Kaugnay nito, pinayuhan ng pamunuan ng Manila Police District (MPD) ang publiko na mag-ingat ngayong Christmas season upang hindi mabiktima ng mga mandurukot at mga salisi, na karaniwan nang nagsasamantala sa mga ganitong panahon.

Ayon kay MPD Director Senior Supt. Vicente Danao, ang crimes against property ang madalas na maitala kapag ganitong malapit na ang Pasko.

Payo ni Danao, huwag makipag-deal sa mga taong hindi personal na kakilala, partikular ang mga nag-aalok ng investment, na maaaring hindi totoo.

Iwasan din, aniya, ang pagsusuot ng mamahaling alahas, pagdadala ng mga mamahaling gadget, at pagbibitbit ng maraming pera kapag lalabas ng bahay, tulad kung dadalo sa Simbang Gabi.

“Be cautious of your personal belongings while in public places,” sabi pa ni Danao.

Fer Taboy at Mary Ann Santiago