MAY picture na magkasama sina Liza Soberano at Nancy Jowel McDonie ng Momoland na nambubulabog sa social media, pero may netizens agad na nakapagsasabing photoshopped lang ito.
Marami ang nag-aabang na magkita ang magkahawig na Asian-American celebrity, kaya marami ang nag-uusisa kung genuine ang picture.
Para sa tiyakang sagot, kinontak namin ang manager ni Liza na si Ogie Diaz kahapon.
“Sana nga nagkita ang dalawa,” reply ng talent manager ng dalaga. “Kaso parang fake ‘yung photo. Kasi kung nagkita ‘yan, maraming kumalat na photos, hindi lang ‘yan. Kahit video, meron din sana.”
Highly popular sa Pilipinas ang Momoland ng Korea at si Nancy ang pinakapaborito ng karamihan. Dahil nga inihahawig sa darling ng Philippine entertainment industry.
Dumating ang all Korean girl-group para mag-show sa Pilipinas, sa pangalawang pagkakataon, kaya inaabangan kung magkikita na sa wakas sina Liza at Nancy.
Mukhang click bait lang o ginawa para maka-generate ng maraming click, ang post na umubra naman.
Samantala, huwag kayong magtataka kung may kamukha na naman si Liza Soberano na nagkakawanggawa sa street dwellers ngayong Christmas season.
Kinulit namin si Ogie kung ano ang activities ni Liza, ito ang kuwento niya:
“Nagpabili kahapon ng kahon-kahong groceries. ‘Tapos nakakatuwa, personal siyang nagre-repack kasama ang glam team at ilang kasambahay. Meron siyang street-giving ulit.
Panata niya na ‘yan. Plus pupuntahan niya uli ang isang home for the elderly and ‘yung fave niyang foundation for abandoned kids sa Silang, Cavite bago mag-Pasko.”
Nagsimula ang charity works na ito ni Liza noong 2014, nang mag-hit ang Forevermore at sumikat siya nang husto.
“Consistent ‘yan. Siya mismo nagre-remind sa amin kung ano ‘yung two days niyang nakalaan for street-giving and visit niya sa dalawang foundations.
“Malapit siya sa mga elderly kasi ‘yung lola nga niya sa dad side, pinagawan na niya ng parang hospital room sa ground floor ng bahay niya.
“’Yung abandoned kids naman, ‘pag andu’n siya, laging teary-eyed lalo na ‘pag nalalaman niya kung paano in-abandon ng parents ‘yung mga kids.”
Kaya kung may naengkuwentro kayong kamukha si Liza Soberano na namimigay ng grocery items, hindi si Nancy ng Momoland ‘yan, si Liza mismo ‘yan.
-DINDO M. BALARES