MAKARAAN ang isang taon ng mataas na inflation—pagtaas ng presyo ng mga bilihin para sa mga misis at sa iba pang mga mamimili—na pumalo sa 6.7 porsiyento nitong Oktubre, ang pinakamataas sa nakalipas na halos 10 taon, bumaba ito sa anim na porsiyento nitong Nobyembre.
Nagtaasan ang mga bilihin simula Enero ngayong taon, at sinisi ang mga nasa gobyerno na nangangasiwa sa ekonomiya sa pagtaas ng pandaigdigang presyo ng petrolyo at pagsadsad ng halaga ng piso. Ngunit Enero rin nang maging epektibo ang mga bagong buwis, sa ilalim ng bagong TRAIN Law. Ang pinakakritikal sa mga bagong buwis na ito ay ang P2 taripa sa kada litro ng inangkat na diesel, na dating hindi pinapatawan ng nasabing singilin. Dahil diesel ang ginagamit sa pagbibiyahe ng lahat ng produkto mula sa mga bukid at pantalan patungo sa mga pamilihan, ang nasabing dagdag-singil ay tiyak nang makaaapekto sa presyo ng mga bilihing ito.
Tumugon kamakailan ang gobyerno sa pagpapatupad ng serye ng mga hakbangin, kabilang ang paghahayag na sususpendihin ang panibagong P2 taripa na ipapataw sa diesel sa 2019. Pero bumaba ang presyo ng petrolyo sa pandaigdigang merkado sa nakalipas na buwan at nagpasya ang pamahalaan na ituloy na lang ang dagdag na P2 sa buwis sa diesel. Inihayag ng Malacañang na inaprubahan ng Gabinete ang rekomendasyon ng mga economic managers na ipatupad ang dagdag-buwis gaya ng nakatakda.
Umaasa tayong ang desisyong ito ay hindi pagsisimulan ng bagong panahon ng mataas na inflation sa Enero. Nagsisimula pa lang tayong makabawi sa ilang buwan ng mataas na presyo ng bilihin, na nahinto nitong Nobyembre dahil sa pagbaba ng presyo ng petrolyo sa pandaigdigang merkado kasama na ang mabilis na pag-aksiyon ng pamahalaan upang maibaba ang presyo ng bigas sa pamamagitan ng walang hadlang na importasyon nito.
Inilabas noong nakaraang linggo ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang resulta ng fourth-quarter survey nito tungkol sa kumpiyansa ng mga negosyante at mga mamimili. Sa kabila ng inaasahang mas masiglang paggastos ng publiko ngayong panahon ng Pasko, bumaba ang Business Confidence Index sa 27.2 porsiyento sa huling tatlong buwan ng taon, mula sa 30.1 porsiyento sa ikatlong quarter.
Mas malala ang Consumer Confidence Index, na nakapagtala ng negative-22.5 percent sa ikaapat na quarter, bumulusok mula sa negative 7.1 percent sa nakalipas na quarter. Ayon sa Bangko Sentral, ang kawalang kumpiyansa ng mga mamimili ay dahil sa mataas na presyo ng mga bilihin, mababang kita, mas maraming gastusin sa bahay, at pagdami ng walang trabaho.
Parehong inaasahan ng sektor ng mga negosyante at mga mamimili na magpapatuloy ang mababang confidence level sa susunod na tatlong buwan. Inaasahan ng mga mamimili na lalo pang tataas ang presyo ng mga bilihin, habang tinataya naman ng mga negosyante ang karaniwan nang pananamlay ng paggastos pagkatapos ng holiday season.
Dapat na isaisip ng gobyerno ang mga resultang ito ng BSP survey sa pagbubuo nito ng mga plano para sa susunod na taon, partikular ang mga balakin na maaaring makaapekto sa presyo ng mga bilihin at sa kabuuan ng kapakanan ng nakararami.