“IMPOSIBLENG pamantayan ng pruweba ang naging batayan ng desisyon kaya naabsuwelto si dating Senador Revilla,” wika ni dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno. Ang tinutukoy ng dating Chief Justice ay ang desisyon ng Sandiganbayan Special Division na sa botong 3-2 ng mga mahistrado ay ibinasura ang kasong plunder laban sa dating senador. Kasi, aniya, kinakailangan na patunayan ang bawat bahagi ng sekretong krimen ng direct evidence.
Napatunayan ng prosekusyon na ang chief of staff ng senador na si Richard Cambe ay tumanggap ng 124.5 milyong piso mula kay Janet Napoles, ayon sa financial ledger na nasa pagi-ingat ni star witness Benhur Luy. “Ang pagtanggap ni Cambe para kay Revilla ay posibilidad lamang. Posibilidad din na ang perang tinangap ni Cambe ay sinarili niya at hindi ibinigay kay Revilla,” sabi ng desisyon. Pinalalabas ng desisyon na may duda sa isyung tumanggap ng kickback ang senador. Ang patakaran kasi sa criminal evidence ay kapag ang isang pangyayari ay puwedeng ipagkahulugan ng pagkakasala o kawalan ng pagkakasala, ang duda ay reresolbahin, pabor sa kawalan ng pagkakasala ng akusado. Pero, isinaalaalang naman ni Associate Justice Ma. Theresa Dolores Gomez-Estoesta, sa kanyang disenteng opinyon, ang report ng Anti-Money Laundering Council. Dahil dito, isa siya sa dalawang nagpasiya na guilty ang senador. Kasi, ayon sa report, mula ng April 6, 2006, hanggang April 28, 2010, si Revilla at ang miyembro ng kanyang pamilya ay gumawa ng maraming deposito na nagkakahalaga ng 87.63 milyong piso sa loob ng 30 araw ng mga petsang nakasaad sa ledger ni Luy. Pero binalewala rin ito ng desisyon. Wala namang ebidensiya, aniya, na nagpapatunay na ang mga deposito ay mula sa perang ibinigay ni Napoles kay Cambe.
Ganito kahigpit ang interpretasyon ng desisyon sa mga ebidensiyang inihain ng prosekusyon, laban kay Revilla, kaya naabsuwelto ito. Tinawag ito ni dating Punong Mahistrado Sereno na imposibleng pamantayan ng pruweba. Bakit nga naman hindi, eh ang salapi ng bayan na sangkot dito ay inilaan ng mga mambabatas sa kani-kanilang sarili para gastusin sa mga proyektong pambayan. Ang taguri nila dito ay Priority Development Assistance Fund (PDAF). Sila lang ang may kapangyarihan dito. Kaya, hindi kapani-paniwala ang lumalabas sa kasong ito ni Revilla, na napakialaman ang PDAF niya ng kanyang chief of staff na si Cambe na nakipagsabwatan kay Napoles para ilagay sa mga ghost project at pinagkakitaan ng kickback nang hindi niya nalalaman. Tama si Associate Justice Efren de la Cruz na si Revilla ang siyang puno’t dulo ng PDAF scam.
Sa mga naiulat hinggil sa desisyon, walang nabanggit tungkol sa naging depensa ni Cambe. Ang maliwanag ay hindi niya ipinahamak ang kanyang amo. Hindi niya sinabi na siya ay nautusan lamang. Kaya, naging maluwag ang desisyon para maghigpit sa kanyang interpretasyon sa ebidensiya lalo na iyong pinagdudahan nito si Cambe kung ibinigay o sinarili ang kickback na tinanggap niya kay Napoles, ayon sa ledger ni Luy. Natulungan niya si Revilla kaya nasabi ng maybahay nito na si Lani na tutulungan din daw nila si Cambe nang makapanayam ito ng mamamahayag. Ang nakatulong din sa kaso ni Revilla ay si AJ Georgina Hidalgo na kahihirang lang sa Sandiganbayan ni Pangulong Duterte. Dating hukom ng Branch 122 Caloocan City si Hidalgo. Siya ang nag-break ng tie dahil ang kasama niyang si AJ Estoesta na dumagdag sa grupo nina AJ dela Cruz, Econg at Caldona upang makabuo ng special division, ay bumoto ng guilty si Revilla.
-Ric Valmonte