KABUUANG 10,746 kabataan mula sa 22 syudad, munisipalidad at lalawigan ang nabigyan ng ayuda ng Philippine Sports Commission (PSC) Children’s Games sa nakalipas na taon. At target ni PSC Chairman William ‘Butch’ Ramirez na palawigin ito sa 2019.
Ang Children’s Games ang pangunahing proyekto ng ahensiya batay sa Sports for Peace Program ng pamahalaan.
Ikinasiya ni Ramirez ang datos sa report ni Philippine Sports Institute (PSI) deputy director Marlon Malbog kahapon sa ginanap na PSI coordinators fourth quarterly meeting sa PhilSports Complex Dorm G Multi-Purpose Hall.
Ayon kay Ramirez, trabaho ng estado na patibayin ang pagbibigay ng tamang edukasyon sa mga kabataan sa paghubog ng kanilang character.
“The numbers of the Children’s Games and Sports for Peace was an effective tool of children at an early age doing peace-making, physical fitness, inspiring them to study and break the cycle of poverty,” ayon kay Ramirez.
“The mantra of President Rodrigo R. Duterte is to make sports accessible to the periphery especially to the poor communities and the marginalized,” aniya.
Isinagawa ang pagsasanay sa Children’s Games at sa mga youth volunteers sa mga lugar ng Bataan, Dumaguete City, Tagbilaran City, Bogo, Mandaue City, Iloilo City, Passi City sa Iloilo, Ormoc City, Maasin City, Libagon City, Macrohon City, Liloan, Payatas, San Pedro City, Binan City, Casiguran, Padada sa Davao del Sur, Digos City, Lupon at Mati City sa Davao Oriental, Asuncion sa Davao del Norte at sa Marawi City.
Umabot sa 7,870 kabataan ang naisalang din sa Smart ID talent identification habang 3,344 ang nakiisa naman sa iba’t ibang grassroots sports activities ng PSI gaya ng coaches’ clinics, sports science seminars, consultative meetings at mga workshops.
Ngayong taon, sinimulan din ang pagsasanay sa Deped-PSC Coaching Certification na ginanap naman sa Davao del Norte Sports at sa Tourism Complex sa Davao City.
Inaasahan naman ni Malbog, na mas maraming kabataan ang makikinabang sa naturang programa sa hinaharap.
“We are eyeing to double the numbers next year,” ani Malbog.
Bukod pa dito, umabot din sa 1,756 bilang ang lumahok sa apat na legs ng IP Games na ginanap sa Davao del Norte, Lake Sebu sa South Cotabato, Ifugao at Benguet.
-Annie Abad