HABANG isinusulat ang kolum na ito, dumating na ang unang larawan ng mundo na kinunan mula ng mga kamerang gawang Pinoy, na tinatawag na Diwata-2 at isang ‘remote sensing microsatellite,’ na nasa 621 kilometro sa itaas ng kalawakan.

Inilunsad kamakailan sa pamamagitan ng H-Japan IIA F40 space facility ang Diwata-2 na higit na mahusay na bersiyon ng Diwata-1, na inilunsad naman noong 2016 sa Cape Canaveral sa US at nasa kalawakan pa rin ngayon kahit lampas na sa 18-buwang tasang itatagal nito. Ang Diwata-2 na may tasang buhay na limang taon ay may taglay na higit na mataas na antas na mga sensor, kamera, at kasangkapan sa komunikasyon. Misyon nito ang paglikom ng mahahalagang datos kaugnay ng pagbabago sa tubig at mga halaman sa lupa, at mga impormasyong kaugnay ng mga pagbabago ng panahon at pananalasa ng mga ito tuwi-tuwina.

Ang dalawang ‘microsatellites’ ay pasimula sa paglikha ng isang Philippine Space Agency (PhilSA) at ang pagtatatag ng isang malinaw na Philippine Space Development and Utilization policy na itinadhana ng House Bill 8541, na kilala rin sa taguring “Philippine Space Development Act.”

Binalangkas sa pakikipagtulungan ng Department of Science and Technology (DoST) at inihain ni Albay Rep Joey Salceda sa Kongreso, aprubado na ang HB 8451 ng Kamara at pagsasanibin na ito at ang bersiyon ng Senado, na malapit na ring pumasa, bago lagdaan ng Pangulo.

Sa ilalim ng isang malinaw na Philippine Space Policy, pangungunahan ng PhilSA ang programa ng bansa sa ‘space science and technology access at applications, space engineering and research, remote sensing’ pag-aaral ng klima, industriyang pangkalawakan, pagsulong sa mga kaalamang kaagapay nito, at pakikipagtulungan sa ibang bansa. Isasailalim ito sa DoST.

“Sadyang mahalaga na ngayon sa lipunan at makabagong bansa ang kakayanan at impraestrakturang pangkalawakan,” paliwanag ni Salceda. Ang tanong: Mayroon na ba tayong mga may kakayanang ‘space scientists’ at ‘technical experts’ para mabisang pangasiwaan ang mga maseselang programang pangkalawakan?

Positibo ang sagot sa katanungang ito. Ayon kay DoST Undersecretary Rowena Cristina Guevara, mayroon na tayong mahigit 50 Pilipinong eksperto na masusing nagsanay sa Japan at United Kingdom, at may kakayahan silang lumikha ng mga satellite.

Panahon na nga marahil na magkaroon tayo ng sariling mahusay at mabisang programang pangkalawakan. Gaya ng binigyang-diin ni Salceda, makatutulong din ang naturang programa sa pagpapatingkad ng makabayang damdamin, tiwala sa sarili ng mga Pilipino at higit pang patitibayin nito ang seguridad at integridad ng ating pambansang teritoryo.

-Johnny Dayang