DETERMINADO ang National Research Council of the Philippines (NCRPC) na maisulong ang mas maraming pananaliksik sa mga probinsiya, sa pamamagitan ng pagbibigay ng pondo at pagsasanay sa mga mananaliksik.
Ibinahagi ni Gerry Perilla, pangkalahatang pinuno sa pagdiriwang ng ika-85 anibersaryo ng NRCP, na idinaos nitong Lunes, na may nakabimbin ngayong panukala sa Kongreso, na layuning palawakin ang mandato ng NRCP.
“We are proposing the expansion of the NRCP mandate—to make the NRCP as a ‘training center’ for researchers in the country,” pahayag ni Perilla. “We could provide them (researchers) with funds, and also train them to improve their capacity.”
Ayon sa opisyal, ilalaan ang pondo kapag naisama na sa mandato ng NRCP ang pagsasanay sa mga mananaliksik sa mga probinsiya.
“At present, we are assisting our members, helping them also to fund their projects. But we have opened our doors to non-members, both from the public and the private sector, as long as they have requested for help,” ani Perilla.
Samantala, ipinagmalaki naman ni Perilla na ang ahensiya, bilang isang science advisory council ng pamahalaan simula nang itatag noong 1933, ay marami nang napagtagumpayan.
“The NRCP, in its 85 years, has done a lot in terms of policy and research,” aniya.
Isa sa mga ito, ayon kay Perilla, ay ang pagiging bahagi ng mga miyembro ng NRCP sa pagbuo ng Konstitusyon ng 1935.
“They were responsible for the science and labor provision,” ani Perilla.
Ang mga miyembro ng NRCP ay siya ring responsable sa pagtatatag ng Commission on Volcanology, na kilala ngayon bilang Philippine Institute of Volcanology and Seismology, ayon kay Perilla.
Ipinunto rin ni Perilla na isa sa pinakamalalaking tagumpay ng NRCP ay ang pagkakabuo sa National Science and Technology Authority, na naging bahagi ng Department of Science and Technology noong 1987.
Nagsimula ang NRCP sa 114 na mananaliksik, o mga miyembro, noong 1933. Sa kasalukuyan, mayroon nang 4,200 miyembro ang Konseho sa buong bansa.
PNA