Isang pulis na nasa drug watchlist umano ni Pangulong Duterte ang nasawi nang pagbabarilin ng mga umano’y kaanib ng New People’s Army (NPA) sa Barangay Tanggal, sa Cordon, Isabela, nitong Miyerkules ng hapon.
Kinilala ni Senior Insp. Allan Batara, hepe ng Cordon Police, ang biktimang si SPO4 Ronald Galap, na dead on arrival sa De Vera Hospital sa Santiago City, dahil sa apat na tama ng bala sa ulo at sa iba pang bahagi ng katawan.
Si Galap ay taga-Bgy. Magsaysay sa Cordon, at nakatalaga sa Kalinga Police Provincial Office, partikular sa Lubwagan Police station.
Sinabi ni Batara na nakatayo lang umano ang biktima sa nasabing lugar at hinihintay ang biniling binhi nang paputukan ito ng grupo ng hindi nakikilalang lalaki, dakong 4:10 ng hapon.
Matapos ang krimen, tumakas ang mga suspek ngunit nag-iwan umano ang mga ito ng papel na nasusulatan ng: “Abusadong Pulis, Mabuhay ang CPP/NPA”.
Iniimbestigahan pa rin ng mga awtoridad ang kaso.
-Liezle Basa Iñigo