ISA sa itinuturing kong pambatong imbestigasyon ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), ang premier investigating arm ng Philippine National Police (PNP), ay ang paghalukay nito sa mga dokumentong nagpatunay na peke ang mga titulong naging basehan upang tayuan ng mga higanteng mall ang prime lot na ginawang Quezon City – Central Business District (QC-CBD) sa bisa ng Executive Order No. 620.
Hinawakan ng CIDG ang kasong ito nang humingi ng tulong ang mga naulilang pamilya ni Eulalio Ragua -- ang petitioner na pinanigan ng isang Q.C. - Court of First Instance (CFI) judge noong 1980, matapos siyang ideklarang may-ari ng may 439 na ektaryang lupain, na sa mismong dokumento ng LGUs ng siyudad ay tinawag na Ragua Estate – kung ano ang gagawin nila sa isang lalaking nag-aalok ng titulo ng lupa na nakapangalan sa namayapa nilang ama.
Nagkataon kasi na makaraan ang halos dalawang dekada ay magkakasunod din na lumabas ang resolution ng Court of Appeals (CA) at Supreme Court (SC) na nagbaligtad sa desisyon ni Judge Ernani C. Paño ng Q.C. - CFI branch XVII, dahil sa ang “land title” na ginamit ng mga Ragua sa kanilang “petition for reconstitution” ay malabo at hindi maaaring gawing basehan.
Sa tatlong titulong hawak ng CIDG – ang OCT-632 ng mga Ragua, OCT 735 ng mga Tuazon, at ang mother title TCT 1356 na hawak naman ng Philippine Homesite and Housing Corporation’s (PHHC) - alin kaya sa mga ito ang totoo at ang peke?
Ganito ang naging takbo ng imbestigasyon ng CIDG -- lumitaw na ang OCT 735 (Tuazon) at TCT 1356 (PHHC) ay kapwa bahagi ng mother title na kung tawagin noon ay Tuasons’ Decree 17431 – na pirnirmahan noong 1914 ng isang Enrique Altavas bilang pinuno ng General Land Registration Office (GLRO), na ngayon ay ang Land Registration Authority (LRA).
Ang problema rito – paano makapipirma si Altavas sa Tuazon Decree 17431 noong 1914 gayung batay sa record ng Civil Service Commission (CSC) na nakuha ng mga imbestigador ng CIDG, naupo lamang siya bilang pinuno ng GLRO noong Hunyo 1, 1933 o malinaw na 29 na taon bago siya naging bossing.
“Malinaw na peke ang Tuasons’ Decree 17431 kasi si Altavas ay hindi pa empleyado ng GLRO nang ang dokumentong ito ay ilabas. Paano niya ito mapipirnahan gayung wala pa siya sa serbisyo?,” ang sabi sa akin ni Atty. Virgilio Pablico, na noon ay chief legal ng CIDG.
Dahil peke ang Tuazons’ Decree 17431, lahat ng iba pang titulo ng lupa na ibinatay rito, gaya ngOCT 735 (Tuazon) at TCT 1356 (PHHC) ay mga peke rin.
Ito pa ang matindi, lumitaw rin sa mga dokumentong nakuha ng CIDG na ang ginamit na titulo ng Tuazon na OCT 735 ay hindi sa Quezon City nakatala, bagkus ito ay sa Quezon province pala inilabas ng GLRO.
Sa kabila nito, inakusahan naman ng mga Tuazon sa kanilang petition na palsipikado ang OCT 632 ng mga Ragua, at ito ang maliwanag na kinatigan ng CA at SC noong administrasyong ni dating Pangulong Gloria Macapagal – Arroyo, kaya’t nabaligtad ang naipanalo na dapat na “petition for reconstitution” ng mga Ragua.
Sa tatlong nabanggit na titulo, ang lumilitaw na GENUINE (hindi PEKE) – kung ang pagbabasehan ay ang imbestigasyon ng CIDG -- ay ang OCT 632 ng mga Ragua, lalo pa’t idaragdag ang pagkaka-recover ng CIDG sa “photostat copy of the Owners Duplicate Certificate of Title” nito sa isang buy-bust operation, at ang positibong “analysis” na isinagawa rito ng Federal Bureau of Investigation (FBI) matapos silang hingian ng tulong ng CIDG na i-analyze ito.
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.