Nanindigan kahapon si dating Senator Ramon “Bong” Revilla, Jr. na hindi niya ibabalik sa pamahalaan ang P124.5 milyon na sinasabing bahagi ng umano’y kinita niya pork barrel fund scam.

Ito ang naging reaksiyon ni Revilla kasunod ng pagkakaabsuwelto sa kanya ng Sandiganbayan sa kasong plunder nitong Disyembre 7.

Giit niya, hindi niya nagnakaw ng pera sa kaban ng bayan, kaya wala siyang dapat na isauli sa gobyerno.

“Ano ang isasauli ko? Wala naman akong kasalanan, nagsalita na ang korte na wala akong kasalanan,” ayon sa dating senador.

National

Tinapyasang budget ng opisina ni VP Sara, ‘di na dapat baguhin – Sen. Risa

Nauna nang pinanindigan ng abogado ni Revilla na si Atty. Estelito Mendoza na walang dapat panagutan ang kanyang kliyente dahil hindi naman ito nahatulan sa kasong pandarambong.

Apat na taong napiit si Revilla sa Camp Crame dahil non-bailable ang plunder.

Nang ibaba ng anti-graft court ang pagpapawalang-sala kay Revilla, nahatulan naman ng reclusion perpetua ang dating chief of staff nito na si Richard Cambe, at ang negosyante at itinuturong utak ng scam na si Janet Lim Napoles.

Sa pasya ng korte nitong Biyernes, iniutos ng korte na ibalik sa national treasury ang P124.5 milyon sa kaso, alinsunod sa Article 100 ng Revised Penal Code.

-Czarina Nicole O. Ong