ILULUNSAD para sa mga mangingisda ng mahigit 100 fishing grounds sa bansa ang dalawang araw na “shopping spree” sa Disyembre 18 at 19 sa World Trade Center sa Pasay City, para sa mga makina at kagamitang kanilang kinakailangan upang mapataas ang produksiyon at kita, at mapababa ang antas ng kahirapan sa sektor ng pangingisda.

Sinabi ni Agriculture Secretary Manny Piñol na inaasahang dadaluhan ng libu-libong mangingisda ng bansa ang kauna-unahang Philippine Fisheries Expo 2018, na inorganisa ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ng Department of Agriculture (DA) na magbibigay ng oportunidad sa mga mangingisda na pumili ng kanilang mga kinakailangang kagamitan at makina.

Kabilang sa mga kagamitan at makinang inaasahang itatampok sa Fish Expo ang ice-makers, refrigerated vans, fish fillet at fish drying facilities, at fish cages, at maaaring tukuyin ng mga grupo ng mangingisda sa DA-BFAR ang kanilang mga pangunahing kailangan sa paghuli ng mas maraming isda at mabawasan ang pagkalugi.

Ayon kay Piñol, kapag napili na nila ang mga kailangan nilang kagamitan, kailangan lang nilang punan ng kailangang mga impormasyon ang mga loan application form na dadaan sa pagberipika ng Agricultural Credit Policy Council (ACPC) ng DA at pagpoproseso ng mga kailangang dokumento.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Kapag nakapasa sa balidasyon, tutukuyin ng DA-ACPC ang banko na malapit sa komunidad na maaaring pagkuhanan ng ilalabas na pera.

Ang perang makukuha ang gagamitin ng mga mangingisda sa pagbili ng kanilang mga makina at kagamitan na napili nila sa Philippine Fisheries Expo, isang sistema na nagbibigay sa kanila ng pagkakataon na pumili ng kagamitan at brand na kanilang gusto, at para mas pabilisin ang mahabang proseso ng procurement sa pamahalaan.

Kasama rin sa loan ang magiging kapital at maaari itong bayaran sa loob ng anim na taon sa panahon na ibibigay ng DA-ACPC na may interes na dalawang porsiyento kada taon.

Pagbabahagi pa ni Piñol, ang Agriculture and Fisheries Machinery and Equipment Loaning Program (AFME) ay idinisenyo makaraan siyang maglibot sa mga probinsiya ng bansa sa ilalim ng aktibidad na “Biyaheng Bukid”, kung saan natukoy na ang mauutangan at kakulangan ng mga pasilidad ang ilan sa pangunahing salik na balakid sa mas malaking produksiyon.

Sa sektor ng pangingisda, nabanggit niyang halimbawa ang kawalan ng mga ice-making facilities na nagreresulta sa pagkawala ng 40 porsiyentong huli ng mga mangingisda.

Ayon sa kalihim, ang kakulangan ng mga post-harvest facilities at mga kagamitan na magbibigay sa kanila ng daan para sa pamilihan, ay nagbibigay din ng malaking balakid sa pagdami ng mahuhuli, dahil kailangang limitahan ng mga mangingisda ang kanilang mga mahuhuli lalo kung alam nilang hindi ito maibebenta.

Lahat ng mga kagamitan at makina na mapipili ng mga samahan ng mangingisda, ay inaasahang maibibigay sa mga komunidad bago matapos ang Pebrero 2019, kasabay ng pagsisimula ng fishing season.

PNA