NAGPATULOY ang magandang laro ni Filipino IM Haridas Pascua sa second round ng 17th Asian Continental Chess Championships (2nd Manny Pacquiao Cup), matapos makipaghatian ng puntos kontra kay IM Novendra Priasmoro ng Indonesia kahapon sa Tiara Oriental Hotel sa Makati.

Bersamina

Bersamina

Tangan ni Pascua ang 1.0 puntos sa second round at kasalo ang 30 pang ibang manlalaro sa World Chess Federation sanctioned tournament.

“Okay lamang y’ung draw para ma-preserve ko energy ko sa mga susunod na round,” pahayag ni Pascua na kinakailangan niyang mapataas ang kanyang Elo rating 2442 sa 2500 para makumpleto ng kanyang GM title status.

Karl Eldrew Yulo, pamilya raw pinakamagandang regalong natanggap

“Nakatutok kasi tayo na maka-gain ng Elo rating points tungo sa 2500 para makumpleto na natin ang GM title requirement,” aniya.

Nasikwat niya ang kanyang third at final grandmaster norm tatlong taon na ang nakakalipas sa Abu Dhabi Masters Open Tournament.

Nabigo naman si Filipino IM Paulo Bersamina na maipagpatuloy ang kanyang magandang momentum nang matalo kontra kay GM Nodirbek Abdusattorov ng Uzbekistan.

“Bawi na lang po tayo sa susunod na round,” sabi ni Bersamina na may dalawang GM norm sa kanyang career.

Katabla ni Pascua si Grandmaster Vidit Santosh Gujrathi (Elo 2701) ng India sa 36 moves ng Neo-Gruenfeld defense sa first round nitong Lunes habang winasiwas naman ni Bersamina si Grandmaster Le Quang Liem (elo 2714) ng Vietnam matapos ang 36 moves ng Giuco Piano Opening.

Sa kasalukuyang, nangunguna si GM Abdusattorov na may 2.0 pointers kasama sina No.2 GM Wei Yi (2728) ng China;

No.7 GM Ni Hua (2683) ng China, No.8 GM S. P. Sethuraman (2664) ng India, No.9 GM Nguyen Ngoc Truong Song (2641) ng Vietnam, No.10 GM Lu Shanglei (2636) ng China, No.11 GM Surya Shekhar Ganguly (2621) ng India, No.12 GM Alireza Firouzja (2607) ng Iran at No.57 FM Lik Zang Lye (2321) ng Malaysia.

Natalo naman sina WGM Janelle Mae Frayna, WIM Marie Antoinette San Diego, WIM Jan Jodilyn Fronda, WFM Cherry Ann Mejia at WCM Christy Lamiel Bernales sa kani-kanilang katunggali sa women’s division.

Ang top five sa men’s ay uusad sa World Cup habang ang magkakampeon naman sa women ay mag qualify sa Women’s World Championship tournament.

Sa challenger section, nabigo si New Zealand based Jun Isaac kontra kay Orlando Pascual.

Si Jun ay nakakatandang kapatid ni dating PBA player Leo Isaac.