SA loob ng 117 taon, napasakamay ng mga Amerikano ang mga kampana ng Balangiga bilang tropeo ng digmaan. Sa sumunod na kalahating siglo, nasaksihan ang dalawang bansa na naglaban sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig, na ngayon ay hindi na magkaaway kundi mahigpit na magkaalyado sa ilalim ni Heneral Douglas McArthur. Subalit para sa mga naninindigan na itago ang mga kampana ng Balangiga, ito ay tropeo ng digmaan, at ang mga kaaway sa digmaang iyon ay mga Pilipino na pumatay sa 48 Amerikanong sundalo sa isang pag-atake sa Balangiga, Samar, at bilang paghihiganti ay ipinag-utos ni Gen. Jacob Smith sa kanyang mga tauhan na gawing isang “howling wilderness” ang buong Samar, at libu-libong Pilipino ang binawian ng buhay.
Nitong Martes, nagbalik na ang mga kampana ng Balangiga sa Pilipinas. Dumating ito sa Villamor Air Base, kung saan isang maikling seremonya ang pinangunahan nina Executive Secretary Salvador Medialdea, Defense Secretary Delfin Lorenzana, United States Ambassador to the Philippines Sung Yong Kim at Ambassador to the US Jose Manuel Romualdez. Sa Sabado, inaasahang pupunta si Pangulong Duterte sa Balangiga upang siya mismong magsauli ng mga kampana sa mamamayan at parokya ng Balangiga.
Hindi dapat kalimutan na ang mga kampana ay kinuha mula sa parokya ng simbahan ng San Lorenzo ng Diyosesis ng Borongan sa bayan ng Balangiga, Eastern Samar. Nagpahayag naman ng pasasalamat ang Catholic Bishops Conference of the Philippines sa pamahalaan ng Pilipinas at kay Pangulong Duterte, gayundin sa gobyerno ng US para sa pagbabalik ng mga kampana ilang araw bago magsimula ang Simbang Gabi bago ang bukang-liwayway ng susunod na araw, Linggo.
Gayunman, ang mga kampana ay hindi na lang simpleng kampana ng Simbahan ng Balangiga. Naging bahagi na ito ng kasaysayan ng bansa—kinuha bilang tropeo ng digmaan matapos ang madugong labanan, itinago ng 117 taon at inilagak sa museo ng digmaan, at sa huli, bumalik sa isang bansang hindi kaaway ngunit isang malapit na kaalyado. Iminungkahi ni Senador Juan Manuel Zubiri na ilagak ang isa sa mga kampana sa Pambansang Museo sa Maynila upang masulyapan ito ng kabataan bilang isang mahalagang bahagi ng ating kasaysayan at isang paalaala para sa ating mga ninuno na nakipaglaban para sa kalayaan.
Anuman ang maging desisyon para sa mga kampana ng Balangiga, hindi na ito mga tropeo ng digmaan kundi mga simbolo ng kapayapaan. Tulad ng wika ni Ambassador Kim, “Today we do not focus on looking back or relitigating a painful chapter in our past, but investing in our shared future.”
Ang mga kampana ng Balangiga ay naging bahagi na ng kasaysayan ng labanan ngunit ngayon ay magbabalik sa lumang simbahan sa Samar, kakalembang para sa mensahe ng pag-ibig at kapayapaan, kasabay ng pagsisimula ng pagdiriwang ng Pasko sa Pilipinas.