KINAILANGAN ng College of St. Benilde ang maigsing 58 minuto upang madispatsa ang Emilio Aguinaldo College, 25-11, 25-20, 25-13, para sa ikatlong sunod na panalo sa women’s division ng NCAA Season 94 volleyball competition nitong Martes sa FilOil Flying V Centre sa San Juan.

Nagtala ng 15 puntos si Klarisa Abriam 14 dito galing sa attack points upang pamunuan ang panalo ng Lady Blazers.

Dahil sa panalo, umangat ang CSB sa markang 3-1, katabla ng San Sebastian College sa ikalawang puwesto sa likod ng mga namumuno at wala pang talong defending two-time champion Arellano University at San Beda University na kapwa may malinis na kartadang 4-0.

Pinaulanan ng Lady Blazers ng spikes ang Lady Generals, 40-18 sa pamamagitan ni setter Jewel Lai na nagtala ng 26 excellent sets.

Biathlon Olympian, binuking panloloko niya sa jowa niya sa post-game interview

Sanhi ng kabiguan, lalong nabaon sa ilalim ang EAC na nanatiling winless matapos ang apat na laro kasama ng Mapua University.

Nauna rito, nakabalik sa winning track ang San Sebastian College matapos ang 25-22, 25-16, 25-22, paggapi sa Letran.

Nanguna si Iris Oliveros sa tropa ni coach Roger Gorayeb sa ipinoste nyang 10 puntos.

Ang kabiguan ang ikatlong sunod ng Lady Knights matapos maipanalo ang una nilang laban ngayong season.

Nakapagtala ng twin kill ang SSC nang manaig din ang Stags kontra Knights, 13-25, 25-14, 25-19, 25-19, sa men’s division.

Umiskor ng 15-puntos si Timothy Eusebio para pangunahan ang Stags kasunod sina SSC-Kince Sanchez, Julius Lana at Robbie Pamittan na nagsipagtapos na may tig-12 puntos.

Umangat ang Stags sa patas na markang 2-2 habang nalugmok ang Knights sa 1-4 na baraha.

-Marivic Awitan