Pitong katao ang nasugatan matapos silang saksakin ng tari ng panabong ng isang grupo ng mga lalaking lasing sa isang tindahan sa Parañaque City, nitong Martes ng gabi.

Isinugod sa Ospital ng Parañaque sina Michael Calendario, Ramil Calipay, at Manny De Leon, habang ginagamot naman sa Las Piñas Hospital si Mike Buscay, pawang nasa hustong gulang, dahil sa tinamong mga sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Kabilang din sa mga biktima sina Maricris Saludar, 36; Agapito Saluday, 34; at Noel Calipay, 25, pawang taga- CTC Petchayan, Barangay Moonwalk ng nasabing lungsod.

Agad namang naaresto ng mga awtoridad ang mga suspek na sina Judy Boy Pon-An, 18; Joel Alartino, 53; at Gideon Unilongo, pawang residente sa lugar.

National

Ilocos Norte, niyanig ng magnitude 4.0 na lindol

Sa pagsisiyasat ni PO3 Gerry Mislang, ng Parañaque City Police, ang pananaksak ay naganap sa isang tindahan sa CRC Petchayan sa nabanggit na lugar, dakong 10:30 ng gabi.

Sa ulat ng pulisya, isang grupo ng lalaki na umano’y lasing at nanggulo sa harapan ng tindahan ni Agapito Saluday at hinamon ang ilang tambay sa lugar na labanan sila.

Tinangka ng mga biktima na umawat subalit bigla umanong naglabas ng tari at sinugod ang mga biktima.

Inaresto ang mga suspek matapos ang insidente at kakasuhan ng attempted homicide.

Bella Gamotea