IBINUNYAG ng United Nations (UN) na bawat taon, may $2.6 trilyon ang nawawala dahil sa kurapsiyon sa iba’t ibang bansa sa buong mundo. Ito ay katumbas ng limang porsiyento ng global gross domestic production. Ang ganitong report ay ginawa ng UN kaugnay ng International Anti-Corruption Day upang itampok ang malawakang suhulan at pandarambong ng yaman sa pamamagitan ng katiwalian at kabulukan.

May mga nagtatanong kung ilang porsiyento ang ambag ng Pilipinas sa $2.6 trilyong kurapsiyon, halagang magagamit sana sa healthcare, edukasyon, malinis na tubig, impraistraktura, at iba pang mahahalagang serbisyo para sa mga mamamayan.

Batay sa news report noong Lunes, dadalo si President Rodrigo Roa Duterte (PRRD) sa pagbabalik o pagsasauli ng US sa Balangiga bells bilang pagpapatunay sa pangmatagalan at malakas na relasyon ng Pilipinas at ng Estados Unidos. Ang mga kampana ay inilagak sa Wyoming, USA.

Ang mga kampana ng Balangiga, Eastern Samar, ay tinangay ng mga sundalong Amerikano noong 1901 bilang trophy o premyo sa pagpuksa nila sa may 2,000 residente ng Balangiga, kabilang ang mga bata at babae, bilang ganti sa pagsalakay ng mga taga-baryo sa isang pangkat ng US troops, sa pamamagitan ng pagpapatunog sa mga kampana na hudyat ng pag-atake.

Sinabi ni presidential spokesman Salvador Panelo na ang handover o pagsasauli sa Balangiga bells na ginawa sa Villamor Air Base, Pasay City, ay paalala rin sa mga Kano na sila’y nakagawa ng human rights violations sa pagsunog sa Balangiga at walang-awang pagpatay sa mga residente.

oOo

Sinabi ng Philippine National Police (PNP) na ang extortion activities o pangingikil ng New People’s Army (NPA) sa mga pulitiko sa 2019 midyear elections ang isa pang dahilan kung bakit dapat palawigin ang martial law sa Mindanao. Ayon kay PNP spokesman Chief Supt. Benigno Durana Jr., tiyak na paiigtingin at sasamantalahin ng Communist Part of the Philippines (CPP) at ng armadong sangay nitong NPA, ang pagpapataw ng “buwis” sa mga kandidato na nais mangampanya sa mga lugar na kontrolado nila upang palakasin ang kanilang pondo.

Pahayag ni Durana: “They’re glamorizing it as a permit to campaign taxes but in a democratic country, it’s plain and simple extortion.” Kung ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at PNP ang paniniwalaan, milyun-milyong piso ang “nakukurakot” ng NPA rebels tuwing halalan na ginagamit nilang pondo laban sa pamahalaan.

Dapat tandaan ng komunistang kilusan na kailanman ay hindi matatanggap ng sambayanang Pilipino ang komunismo sapagkat ito ay isang ideolohiyang hindi naniniwala sa Diyos. Ang pinaniniwalaan nila ay ang kapangyarihan na nasa nguso ng baril.

Ang ating Pangulo, bagamat walang puknat sa pagbatikos sa Simbahang Katoliko, ay naniniwalang may Diyos. Hindi raw siya isang atheist. Subalit ang kilusang komunista sa ating bansa ay hindi naniniwala sa Maykapal. Ang mga Pilipino ay Katoliko at may paniniwala sa Diyos.

-Bert de Guzman