SUMANDIG ang Mapua University sa kabayanihang ipinamalas ni Mark Egan upang mapataob ang Jose Rizal University, 27-25, 25-22, 21-25, 20-25, 15-12 sa men’s division ng NCAA Season 94 volleyball tournament sa Filoil Flying V Center sa San Juan.

Nagposte si Egan ng career-high 26 puntos na kinabibilangan ng 19 kills, 5 blocks, at 2 aces, upang pamunuan ang panalo ng Mapua na nag-angat sa kanila sa patas na markang 2-2.

Nauwi sa wala ang ginawang pagbalikwas ng Heavy Bombers sa 3rd at 4th sets matapos maiwan sa unang dalawang frames.

Nagtapos na topscorers para sa Heavy Bombers sina Patrick Rabaja, Arjay Ausina, at June Laxine na may 18, 17, at 16 puntos, ayon sa pagkakasunud-sunod.

Romualdez, pinasalamatan tennis player na si Alex Eala

Ang kabiguan ang ikatlo ng JRU sa apat na laro.

Nauna rito. umiskor naman si Dolly Grace Verzosa ng 20-puntos upang giyahan ang Lady Bombers sa paggapi sa Lady Cardinals, 24-26, 25-20, 20-25, 25-16, 15-8.

Dahil sa panalo, tumabla sila sa ikalimang puwesto taglay ang patas na kartadang 2-2. Nag-ambag naman sina Rizza Rose ng 14 puntos at Karen Montojo ng 12 puntos at 19 na excellent digs sa naturang panalo.

Nanguna si Angelie Magundayao para sa Mapua na nanatiling walang panalo pagkaraan ng apat ng laro sa ipinoste nitong 15 puntos.

-Marivic Awitan