TULUYAN na sanang mananahimik ang pamilya Ragua sa kanilang pakikipaglaban sa mga may-ari ng dalawang higanteng mall na nakatayo sa malawak na lupain sa Quezon City, na “minana” sa kanilang ninuno, dahil sa pakiwari nila ay wala na ring mangyayari sa imbestigasyon na isinasagawa ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa kabila ng malaking “breakthrough” nito sa kaso.
Nabuhay lang muli ang kanilang dugo na ipaglaban ang kaso nang makatanggap ng “eviction order” mula sa National Housing Authority (NHA) noong September 21, 2018, na nagsasabing: “Kayo ay napabilang sa mga hindi kuwalipikadong pamilya na pagkalooban ng pook-lipatan o pabahay, batay sa isinagawang census ng NHA.”
Pakiramdam ng pamilyang ito, na mga tagapagmana ni Eulalio Ragua—ang petitioner na pinanigan ng isang Quezon City Regional Trial Court (RTC) judge noong 1980, matapos siyang ideklarang may-ari ng malawak na lupain na tinawag na Diliman Estate – ay pinagsakluban sila ng langit at lupa, at nasobrahan pa sa mapang-aping tono ng “demolition order” mula sa NHA.
Naghanap sila ng abogadong tutulong sa kanila—gratis et amore dei—upang buhayin ang kaso sa pamamagitan ng paghahain sa korte ng “MANDAMUS with claim for damages” sa sala ng RTC Branch 90 nitong Nobyembre 19, 2018 laban sa NHA, HUDCC at kay Mayor Herbert Bautista bilang pinuno ng QC-LGU. Ang petition ay pirmado ng 30 “heirs” ng mga Ragua.
Sa aking palagay, sa pagbalewala ng mga bilyonaryong may-ari ng dalawang higanteng mall na nakatayo sa gitna ng kontrobersiyang lupain—sa pag-iingay ng mga tagapagmana ng Ragua, wala silang kamalay-malay na hawak na ng mga itinuturing kong “iskuwater sa kanilang sariling lupain” sa Quezon City, ang isang matibay na ebidensiya na hinanap ng Korte Suprema kaya binaligtad nito ang pagkatig ni Judge Ernani Cruz Paño, Q.C. - CFI Branch XVIII sa Ragua.
Ito ay ang “photostat copy of the Owners Duplicate Certificate of Title, OCT 632” ng kontrabersiyal na lupain na ginawang QC-Central Business District (QC-CBD) sa bisa ng Executive Order No. 620, na pinirmahan ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Kasama ako noongMarso 14, 2014 sa operasyon ng mga operatiba ng CIDG nang ma-recover ang titulong ito (OCT No. 632) na nakapangalan kay Eulalio Ragua, sa isang buy-bust operation sa loob ng isang banko sa Visayas Avenue.
Inaresto agad ng mga operatiba ng CIDG si Tony Luna matapos na tanggapin ang P10 million managers check kapalit ng OCT No. 632, na inamin niyang bahagi ng mga dokumentong naiwan ng namayapa niyang biyenan, na siya palang abogado ng matandang Ragua, na patay na rin.
Sa initial na pagsusuri ng mga dalubhasa sa document analysis sa PNP Crime Laboratory sa Camp Crame, lumitaw agad na ang na-recover na titulo ay kinakitaan ng mga senyales na ito ay “original owner’s photo copy” subalit ang kopya nito – na dapat ay nasa pag-iingat ng Land Registration Authority (LRA) – ay nawawala umano, kasama sa mga nasunog na dokumento nang matupok ang gusali nito.
Dahil may nakasulat sa mismong titulo na may kopya nito sa U.S Archive, minabuti ng dating Chief Legal ng CIDG na si Atty. Virgilio Pablico na ipadala ang nakumpiska nilang titulo sa Federal Bureau of Investigation (FBI), para ipa-authenticate ang titulong OCT-632.
Makaraan ang mahabang paghihintay, natanggap ng CIDG ang positibong resulta sa pagsusuri ng FBI – na nagbigay daan sana sa muling paghahain ng “Petition for Reconstitution” ng mga “heirs” ng Ragua. Ang problema – wala na silang panustos, kaya “natulog” ang kaso nang matagal hanggang makatanggap silang muli ng “eviction order” nitong nakaraang buwan!
Abangan sa huling bahagi ang detalye ng mga palsipikasyong natuklasan ng CIDG sa mga dokumentong inihain ng mga kalaban ng pamilya Ragua.
(Mag-text at tumawag saGlobe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected])
-Dave M. Veridiano, E.E.