Nagpiyansa kahapon si Senator Antonio Trillanes IV sa Pasay City Regional Trial Court (RTC) kaugnay ng apat na bilang ng libel na isinampa laban sa kanya ng presidential son na si dating Davao City Vice Mayor Paolo Duterte.
Kasama ang abogadong si Atty. Rey Robles, humarap kahapon ng umaga si Trillanes sa sala ni Pasay City RTC, Branch 118, Presiding Judge Rowena Nieves para magpiyansa ng P24,000 sa bawat bilang ng libel, na umabot sa kabuuang halaga na P98,000, para sa pansamantalang paglaya ng senador.
Kamakailan inisyuhan ng apat na warrant of arrest ni Davao City, 11th Judicial Region Branch 54 Presiding Judge Melinda Alconcel- Dayanghirang si Trillanes, para sa apat na bilang ng libel.
Nag-ugat ang libel ni Trillanes makaraang akusahan siya ng dating bise alkalde ng malisyosong pananalita laban kay Pangulong Rodrigo Duterte nang magpa-interview sa mga mamamahayag ang senador.
Subalit hindi naman umano ma-recall o matandaan ng kampo ni Trillanes ang detalye sa sinasabing media interview sa senador.
Agad namang iniutos ni Southern Police District (SPD) Director, Senior Supt. Eliseo Cruz ang mga tauhan nito, partikular sa Pasay City Police, na pinamumunuan ni Senior Supt. Noel Flores na magpatupad ng mahigpit na seguridad sa bisinidad ng korte kahapon.
Personal pang sinaksihan ng SPD director at ni Senior Supt. Flores ang paglalagak ng piyansa ng senador.
-BELLA GAMOTEA