Taas-singil sa kuryente, na nasa siyam na sentimo kada kilowatt hour (kWh), ang naging Pamasko ng Manila Electric Company (Meralco) sa mga consumers nito ngayong Disyembre.

Ayon kay Meralco Spokesperson Joe Zaldarriaga, dahil sa naturang dagdag-singil, aabot na ngayon sa P10.1803/kWh ang kanilang singil mula sa dating P10.0901/kWh.

Katumbas ito ng P18 na dagdag sa December bill, para sa mga bahay na kumukonsumo ng 200 kWh kada buwan, P27 sa mga nakakagamit ng 300 kWh, P36 para sa kumukonsumo ng 400 kWh, at P45 para sa mga nakakagamit ng 500 kWh kada buwan.

Ipinaliwanag ng Meralco na ang taas-singil ay bunsod na rin ng pagtataas ng singil ng independent power producers (IPP) ng hanggang P5.33/kWh mula sa dating P5.27/kWh, habang dumami naman ang nakuhang supply sa mga nakakontratang planta ng Meralco.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Mas magiging mataas pa sana umano ang singil kung hindi lang bumaba ang presyo ng kuryente sa spot market ng P1/kWh.

Nabatid na 20% lang naman ang supply na kinukuha ng Meralco mula sa spot market.

“We predicted a reduction last week due to lower price of electricity at the spot market but prices from private and contracted suppliers went up. Had it not for the hefty reduction in the spot market, power rates could have gone up more than P0.09/kwh,” anang Meralco.

Kaugnay nito, inihayag naman ng Meralco na maaari nang magbayad ang mga consumers ng bills online, sa pamamagitan ng bagong Meralco mobile app, bagamat tatanggap pa rin ang mga ito ng aktuwal na bill.

-Mary Ann Santiago