LUNES ang ika-10 ng Disyembre na simula ng pasok sa mga tanggapang pampubliko at pribado at maging sa mga paaralan mula kinder, elementary, high school hanggang kolehiyo. At sa iba nating kababayan na binibilang ang araw ng Disyembre, labinsiyam na araw na lamang at ipagdiriwang na araw ng Pasko, na paggunita ng pagsilang ng Dakilang Mananakop.
Sa iniibig nating Pilipinas, ang Pasko ang pinakamasayang araw sapagkat panahon ito ng pagbibigayan, paghahangad ng mabuti sa kapwa, at pagbibigay ng aguinaldo sa mga magulang, mga mahal sa buhay, mga kaibigan at iba pang pinagkakautangan ng loob.
Ang Disyembre 10 para sa iba nating kababayan ay isang karaniwang araw ng Lunes. Ngunit sa mga kababayan nating may pagmamahal at pagpapahalaga sa buhay ng tao, mahalaga ang ika-10 ng Disyembre sapagkat pagdiriwang ito ng “Universal Declaration of Human Rights Day” o ng Pandaigdig na Pagpapahayag ng Araw ng mga Karapatang Pantao.
Sa pagdiriwang, asahan na ang isa sa maaaring maging bahagi at pangyayari ay mga kilos-protesta ng mga militanteng grupo sa iba’t ibang bahagi ng bansa, lalo na sa Metro Manila.
Sa mga kilos-protresta, babatikusin ang mga paglabag sa mga karapatan pantao. At tiyak na ‘di makaliligtas dito ang mga naganap na pagpatay dahil sa giyera kontra droga ng kasalukuyang rehimen. Ang pang-aapi sa mga manggagawa at magsasaka tulad ng paglabag sa minimum wage law, at pagpapairal ng ENDO o end of contract makalipas ang limang buwang pagtatrabaho ng mga kaawa-awang mga manggagawa. Karaniwang nangyayari ito sa mga malalaking food chain store na pag-aari ng mga Taipan o Filipino-Chinese na ang nakararami’y mga tusong negosyante.
Walang magawa ang Department of Labor and Employment (DoLE) dito dahil wala pang nababalitang may kinasuhan at naipakulong nang mga tusong negosyante. O kaya naman ay naipa-deport o naipatapon kung purong Intsik.
Ang ika-10 ng Disyembre ay mahalagang araw at magandang pagkakataon para sa lahat upang isipin ang kahalagahan ng karapatan pantao. Hindi maitatanggi at masasabing katotohanang na ang lahat ng paglabag sa mga karapatang pantao ay nagaganap sa buong daigdig.
Ang pagpapahayag o deklarasyon ng mga karapatang pantao ay nag-ugat sa bunga ng kalupitang nilikha ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Ang nasabing mga kalupitan ay hinangad na huwag na sanang maulit.
Matagal nang nagawa ang balangkas ng Pagpapahayag ng mga Karapatan Pantao. Ang konsepto nito ay nagsimula mahigit 300 taon na ang nakalilipas.
Ang Pagpapahayag ng Karapatang Pantao ay may pundasyon din ng 1869 Bill of Rights, United States Declaration of Independence noong 1776, French Declaration of the Rights of Man and the Citizens noong 1789, First Geneva Conference, League of Nations, Geneva Declaration of the Child noong 1924, UN Charter at ng UNESCO.
Ayon sa Declaration of Human Rights, lahat ng tao na malayang isinilang at may pantay na dignidad at mga karapatan na hindi magtatangi ng kulay, lahi, wika, relihiyon at kalagayan sa buhay. Sa ating Konstitusyon ay may isang buong artikulo na tungkol sa mga karapatan pantao. Hanggang sa maitatag ang Commission on Human Rights (CHR) noong Mayo 5, 1987 na siyang nagsisiyasat sa mga paglabag.
Maraming naganap na pagyurak at paglabag sa mga karapatang pantao sa bawat rehimen na namahala sa ating bansa, lalo na noong diktaduryang Marcos at hanggang ngayon ay patuloy pa rin ang paghingi ng katarungan ng mga pamilya ng mga pinatay, dinukot at naglaho.
-Clemen Bautista