KUNG gagawing batayan ang dami ng likes at favorable reaction sa posts sa social media tungkol sa sunud-sunod na press conferences ng mga pelikulang kasali sa Metro Manila Film Festival (MMFF) 2018, mukhang pelikula pa rin ni Vice Ganda ang mangunguna sa takilya.
Gusto ng moviegoing public ang kumbinasyong naisip ni Vice, siya mismo ang nakaisip na kuning leading men niya sina Richard Gutierrez at Dingdong Dantes.
Matatandaang nagkuwento si Vice bago pa man nagsimula ang shooting nila noong Hulyo kung paano niya napapayag ang Star Cinema sa idea niya kahit napakalaki ng magiging budget.“Noong una sinabi ko na Dingdong and Richard, sabi nila, ‘Anak, ang mahal.’ Ibigay n’yo na sa akin kasi magna-P900 million naman ito.’ Sabi ni Inang (Olivia Lamasan, big boss ng Star Cinema), ‘Sure ka ba d’yan?’
Sabi ko, ‘Sure mag-P900 million.’ ‘Yun in-approve agad ‘yung Richard at Dingdong,” sabi ni Vice noon.
Si Barry Gonzales ang bagong direktor ng MMFF movie nina Vice, Richard at Dingdong. Sa trailer pa lang, kitang-kita nang na-retain ang masayang panoorin na naging trademark na ng It’s Showtime at Gandang Gabi Vice host. Hindi ito kataka-taka, si Direk Barry ang dating assistant director ng pumanaw na si Direk Wenn Deramas, ang paboritong collaborator ng komedyante sa maraming blockbuster films.
Sa pangalan pa lang ng characters, maaaliw na agad ang viewers.Para pa rin sa mga batang manonood ang pelikula, ang segment ng market na siyang nasusunod sa pamilya kapag pista ng pelikulang Pilipino tuwing Pasko.
Hagip na hagip din ang young adults dahil tatlong love teams ang pinagsama-sama sa Fantastica, sina Maymay Entrata at Edward Barber, Loisa Andalio at Ronnie Alonte, at Kisses Delavin at Donnie Pangilinan.
Kasama rin ni Vice sa Fantastica sina Jaclyn Jose, Ryan Bang, at Bela Padilla.
Pero ang good news, naniniwala na si Vice Ganda ngayon na may social responsibility siya bilang artista na dinudumog ng pinakamaraming manonood sa MMFF.
“No’ng nagsisimula kami ni Direk Wenn, super patawa lang kami nang patawa. No’ng nagsisimula ako ng ‘Petrang Kabayo, sabi ko kay Direk Wenn, wala na kong pakialam kung ano bang matutunan sa pelikulang ‘to,” pahayag ni Vice sa grand presscon ng Fantastica.
“No’ng nagsisimula ako, para sa akin ‘yong mga learnings, assignment na ng iba ng tao ‘yon. Feeling ko kasi ang assignment ko lang ay magpatawa.”Matatandaang may Isinulat ako tungkol sa pagkuwestiyon ko sa social responsibility ni Vice, at ito nga ang dati niyang paniniwala. Sinisi ako ng ilang katoto noon, bakit daw hindi ko diniskusyon. Pero dumadalo ako sa presscon hindi rin para magturo, kundi para kumuha ng maiuulat.
Nakakatuwa na pagkaraan ng ilang taon, kusa na ring na-realize ni Vice ang responsibilidad niya sa publiko.
“So, nagsimula ako puro patawa lang ako nang patawa hanggang eventually, I realized that movie making is not just a simple arts. It’s something that has a bigger purpose, not just entertaining people,” aniya.
“Habang nagtatagal ako sa paggawa ng pelikula, ‘yon ang nauunawaan ko. Sa Star Cinema, hindi sila papayag na patawa lang nang patawa kasi maraming eksena na hinayang na hinayang ako dahil sa bloopers lang mapupunta. Kasi sabi nila, kailangan nating mag-sacrifice ng ilang nakakatawang eksena para bigyang-daan ang totoong puso ng pelikula.
Kasi kung puro na lang tayo patawa, mawawalan ng puso ang pelikula,” patuloy na kuwento ni Vice. “Sa ‘Showtime’, sa sampung taon na ‘ko nagpapatawa. Other than pagpapatawa, gusto ko may iba naman akong purpose na ibigay sa ibang tao at nagawa namin ‘yun sa pelikulang ‘to.”
-DINDO M. BALARES