Lumang modelo na at pa hindi rehistrado sa Land Transportation Office (LTO) ang 14-wheeler trailer truck na umararo sa 19 na behikulo, na ikinasawi ng anim na katao at ikinasugat ng 13 na iba pa sa Sta. Rosa City, Laguna, nitong Sabado ng gabi.

Sa pahayag ng Department of Transportation (DOTr), natukoy sa imbestigasyon ng LTO na model 2000 pa ang naturang Isuzu tractor head (RBM-415) na may trailer (AUA-7758) at huli itong inirehistro noong 2016 bilang pribadong sasakyan, at hindi common carrier o truck-for-hire.

“Amin ding nililinaw na hindi ni-renew ng LTO ang rehistro nito noong 2017 at 2018,” dagdag pa ng DOTr.

Nilinaw ng kagawaran na iniiwasan nilang mangyari ang kahalintulad na insidente, kaya pursigidong isinusulong ng pamahalaan ang truck modernization program.

National

Marce, lalo pang lumakas; Signal #1, itinaas sa 14 lugar sa Luzon

“Ang ganitong malalagim na insidente sa kalsada ang dahilan kung bakit isinusulong ng DOTr, kasama ang Land Transportation Office at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), ang truck modernization,” bahagi pa ng pahayag ng DOTr.

“Malinaw ang pangangailangang gawing moderno ang mga bumabagtas na truck upang matiyak ang kaligtasan ng publiko, gayundin upang bawasan ang polusyong dulot ng mga ito,” dagdag ng kagawaran.

Nagpaabot rin naman ng pakikiramay ang DOTr sa mga pamilya ng mga nasawi sa insidente at tiniyak na tututukan ng LTO ang imbestigasyon sa kaso upang matiyak na mabibigyan ng hustisya ang mga biktima.

Ang nasabing truck ay galing sa Tagaytay City at patungong Sta. Rosa City nang araruhin nito ang 19 na sasakyan, gayundin ang isang boarding house at isang bakery, nitong Sabado ng gabi.

-Mary Ann Santiago