MAGANDA ang ideya—isang landport sa dulo ng Metro Manila, sa Coastal Road sa Parañaque City, kung saan titigil ang lahat ng pampublikong sasakyan mula sa Cavite at Batangas, gaya kung paanong dumadaong ang mga barko sa Manila North at South Harbor, at ang mga pasahero at eroplano sa Ninoy Aquino International Airport.
Layunin nito na maiwasang dumagdag ang libu-libong bus sa matinding trapiko sa Metro Manila. Ibababa nila ang kanilang mga pasahero sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) at babalik kung paano sila dumating, para sa mga pasaherong patungo naman sa mga probinsiya.
Itinayo ang PITX ng Megawide subsidiary na MWM Terminals Inc., na masusing nakikipagtulungan sa Department of Transportation (DOTr) at sa mga kaugnay nitong ahensiya, kabilang ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), at may 35-taong permiso na magtayo ng mga terminal at pangasiwaan ang mga ito.
Nagawa namang makupkop ng PITX ang maraming sasakyan, sa labas sa Metro Manila. Ngunit mistulang nakalimutan ng nagplano ang isang bagay, ang mga darating na pasahero—na aabot sa 250,000 kada araw—ay walang masasakyan patungo sa kanilang destinasyon sa Metro Manila. Isa itong modernong landport na may malawak na espasyo para sa pagbababa ng mga pasahero mula Cavite at Batangas. Ngunit walang mga bus o jeep o UV Express o maging tren na maghahatid naman sa kanila mula sa landport, kahit pa sa Baclaran lang kung saan mayroong mga sasakyang pang-Metro Manila, kasama ang MRT at LRT.
Nakaisip ng agarang solusyon ang LTFRB—ang exemption sa ban para sa ilang kumpanya ng bus upang pahintulutan ang nasa 300 kumpanya ng bus na tumuloy hanggang Baclaran, na umani naman ng protesta mula sa mga pinagbawalang kumpanya. Dahil dito, ang ideya ng landport—na maiiwas ang mga provincial bus na dumagdag pa sa trapiko ng Metro Manila—ay inabandona na.
Nitong Nobyembre, sinabihan ng Metropolitan Manila Development Authority ang mga kumpanya ng mga provincial bus na simulan nang alisin ang kanilang mga terminal sa Epifanio de los Santos Ave. (EDSA) dahil itinatayo na ang North at South Terminal sa Valenzuela City at Sta. Rosa sa Laguna, at inaasahan na itong matatapos sa unang bahagi ng susunod na taon. Hanggang Valenzuala City na lang ang nasa 2,000 provincial buses mula sa hilaga, habang ang 2,500 na mga bus mula Laguna palayo ay hanggang Sta. Rosa lamang.
Bago ang anumang aksiyon para sa planong landport upang mapigil ang mga provincial bus na pumasok sa Metro Manila, kinakailangang busisiin at pag-aralan muna ng mga opisyal na nakatalaga, na pinangungunahan ng Department of Transportation, ang buong plano, upang masiguro na mga problemang kinaharap sa Parañaque landport ay masosolusyunan at hindi na mauulit pa sa ibang mga terminal na ngayon ay itinatayo sa Valenzuela City at Sta. Rosa.
Ang pagpapahupa sa matinding trapiko sa Metro Manila ay isang kapuri-puring hangarin ngunit hindi dapat ito solusyunan nang magdurusa naman ang libu-libong manggagawa na nangangailangang makapasok sa kanilang mga opisina at pabrika sa tamang oras.