SA botong 3-2, inabsuwelto ng Sandiganbayan si dating Senador Ramon Revilla, Jr. sa salang plunder at ang hinatulan sa kasong ito ay ang kasama niyang akusado na sina Atty. Richard Cambe at Janet Napoles. Sa nasabing desisyon, hinatulan ng reclusion perpetua sina Napoles at Cambe at ipinababalik “sa mga akusado” ang P124.5 milyong kickback sa gobyerno na bahagi ng Priority Development Assistance Fund (PDAF) ng senador.
Dahil pinawalang-sala nga ang senador, hindi malinaw kung kasama siya “sa mga akusado” na inatasan ng korte na ibalik ang kickback.
Kung si Sangdiganbayan Associate Justice Efren Dela Cruz ang nasunod, guilty rin ang senador. Hindi, aniya, naibulsa nina Cambe at Napoles ang pera nang walang partisipasyon ang senador.
“Ang may kapangyarihan sa PDAF ay si Revilla lang. Para mapakailaman ito ng dalawa, kailangan nila siya,” wika ni AJ Efren dela Cruz sa kanyang desisyon na kung sinang-ayunan lamang ng mga kapwa niya mahistrado sa kanilang division, ito ang nanaig. Ang problema, ang kasama niya na sina AJ Geraldine Faith Econg at Edgardo Caldona ay bumoto para ipawalang-sala si Revilla.
Pero, kailangan ang tatlong boto para maabsuwelto ang senador, kaya ayon sa patakaran ng Sandiganbayan, ipinasok sina AJ Georgina Hidalgo at Ma. Theresa Dolores Gomez-Estoesta para makalikha ng five-member Special Division upang makuha ang tatlong boto.
Bilang matagal nang senador, ayon kay AJ dela Cuz, hindi ito naïve na ipauubaya na lang kina Cambe at Napoles ang kanyang PDAF.
“Katawa-tawa para kay Revilla na maging mabait siya sa paggamit ng kanyang kapangyarihan nang libre, samantalang hinahayaan na lang niyang makinabang ang dalawa gayong wala naman siyang matibay na relasyon sa mga ito,” paliwanag ni dela Cruz sa kanyang desisyon.
Pero ang tatlong mahistrado na sina Econg, Caldona at Hidalgo ay hindi sumang-ayon sa kanya. Si Mahistrado Estoesta lang ang pumanig sa kanya. Kaya, ang desisyon ni dela Cruz ay naging dissenting opinion na lang.
Ang sumulat ng final desisyon ay si Econg. Presumption o pag-aakala lamang daw ang opinion ni dela Cruz, ayon sa desisyon. Aniya, walang ebidensiya na tumanggap ng kickback ang senador.
“Ang napatunayan lamang ng prosekusyon ay binigyan ni Napoles si Cambe ng 124.5 milyong piso buhat sa ghost projects dahil ang lagda ni Revilla sa endorsement letters na nagpapalabas sa PDAF ay peke,” sabi ng desisyon.
“Ipagpalagay na natin na peke ang pirma ng senador, alam niya at kinunsinte ang paglagda sa kanyang pangalan. Nag-operate si Cambe sa awtoridad ni Revilla at si Revilla ay nasa lahat ng bahagi ng anomalya bagamat nanatili siyang nasa anino,” sabi ni dela Cruz sa kanyang dissenting opinion.
Binigyan naman ng bigat ni AJ Estoesta ang report ng Anti-Money Laundering Council na nagsasabi na mula Abril 6, 2008 hanggang Abril 28, 2010, gumawa ang senador at kanyang pamilya ng maraming deposito na nagkakahalaga ng P87.63 milyon sa loob ng 30 araw na siyang mga araw na nakasaad sa financial ledger ng star witness na si Benhur Luy.
Sa mabigat sa desisyong ito, ang pinalalabas na ang mastermind sa PDAF scam ay si Napoles. Magagawa ba ni Napoles na pakialaman ang kuwarta ng bayan? Ginamit lamang siya ng talagang may kapangyarihan sa pondo, at gumawa siya ng paraan para maibulsa ng taong gumamit sa kanya ang pera. Ang naibahagi niya sa kaso ay para sa kanyang serbisyo.
-Ric Valmonte