SI Pangulong Rodrigo Roa Duterte ay hindi atheist o taong walang paniniwala sa Diyos. Ayon kay Mano Digong, naniniwala siya sa Maykapal subalit ang Diyos na pinaniniwalaan niya ay hindi katulad ng Diyos ng mga Katoliko na minsan ay tinawag niyang “stupid”. Samakatuwid, si PRRD ay may Diyos na kakaiba sa Simbahang Katoliko. Sino kaya ito?

Batay sa Wikipedia, ang kahulugan ng atheist ay ganito: “A person who denies of disbelieves the existence of a supreme being or beings.” Kung gayon, hindi isang atheist ang ating Presidente na may galit sa Simbahang Katoliko, mga obispo at pari.

Tiningnan ko rin sa Wikipedia ang kahulungan ng agnostic: “A person who holds the existence of the ultimate cause, as god, and the essential nature of things are unknown and unknowable, or that human knowledege is limited to experience.” Heto pa, “a person who denies or doubts the possibility of ultimate knowledge in some area of study.”

Kung susuriing mabuti, mas malapit na tawaging isang agnostic (agnostiko) si PDu30 kaysa isang ateista (atheist) dahil naniniwala siya sa Diyos. Kaya lang, inuulit natin, iba raw ang pinaniniwalaan niyang Diyos kumpara sa Diyos ng may 1.3 bilyong Katoliko sa mundo.

Walang tigil ang ating Pangulo sa pagbanat sa Catholic Church at sa mga obispo at pari na ayon sa kanya ay mga ipokrito. Sa isang okasyon, nag-akusa pa siya na 90% sa mga pari ay “gay” o bakla. Hindi naman itinatanggi ng Simbahan na talagang may tiwaling pari, obispo at cardinal sa kanilang hanay, pero hindi naman daw dapat tingnan na ang lahat ng mga pari at Obispo ay masasama.

Inuulit natin: Halimbawa na sa isang pamilya ay may isa o dalawang miyembrong tarantado at salbahe, aakusahan at kokondenahin ba natin ang buong pamilya bilang “tarantado at pasaway na pamilya”?

Ang turo o aral ng Simbahang Katoliko, dapat igalang at pahalagahan ang kasal sapagkat ito ay isang sagradong sakramento. Pinag-iisa ang lalaki at babae sa “hirap at ginhawa” at “kalusugan at sakit.” Itinuturo rin ng Simbahan na dapat maging “monogamous” o isa lang ang partner ng lalaki at babae. Pero hindi ito nasusunod. ‘Di ba may mga lider tayo na dala-dalawa ang asawa (kabit) bukod sa tunay na ginang? Marahil ito ang dahilan kung bakit ang ilang lider ay galit sa Simbahan sapagkat ipinagbabawal nito ang pagkakaroon ng mga kabit o kulasisi.

oOo

Kung ang Kamara, sa ilalim ni Speaker Gloria Macapagal-Arroyo ay nais sumayaw ng Cha-Cha, mabigat naman ang paa ng mga senador na umindak nito. Duda ang mga senador na may panahon pa para palitan ang 1987 Constitution at gawing sistemang pederal ang gobyerno.

Mismong si Senate Pres. Vicente “Tito” Sotto III ang nagpahayag na “too busy” ang kapulungan sa pagtalakay sa P3.757 trilyong national budget sa 2019. Nais ni PRRD na aprubahan ito ng Kongreso bago mag-recess ngayong Disyembre. Dahil dito, hindi nila maaaksiyunan ang Cha-Cha na ipinasa ng Kamara sa ikalawang pagbasa, at lubhang huli na ito nang ipadala sa kanila.

Hinay-hinay lang po kayo mga kinatawan ng bayan!

-Bert de Guzman