HINDI na kailangan ang Philippine Boxing and Combat Sports Commission (PBCSC) para pangasiwaan ang professional boxing sa bansa.
Sinabi ni Partylist Rep. Rodel Batocabe ng AKO-Bikol na duplikasyon lamang sa gawain at responsibilidad ng Games and Amusement Board (GAB) ang PBCSC at makalilikha lamang ng kalituhan sa atletang Pinoy at dagdag gastusin sa kaban ng bayan na dapat ay ituon na lamang sa mas pagpapalawig ng programa sa sports, higit sa grassroots level.
"There's no need for it, really," pahayag ni Batocabe sa media statement.
"What should be done is not to create another (commission) but to strengthen the instritutional mechanisms regulating boxing and other sports," aniya.
"Ang GAB subok na nating lahat sa matagal ng panahon. Kung bagong commission, may learning curve pa, may trial and error pa," sambit ni Batocabe
"Sa basketball, former Sen. Robert Jaworski did not put up a basketball commission during his time as a lawmaker," pagdidiin ng Partylist representative.
Iginiit pa ni Batocabe na hindi makatutulong sa adhikaing kaunlaran ng Pangulong Duterte ang pagdagdadagdag ng bagong pagkakagastusan ng kaban ng bayan.
Batay sa provision ng PBCSC na isinulong ni Senator Manny Pacquiao, may inisyal itong budget mula sa General Appropriation (GA) na P150 milyon.
Sa record, ang GAB ay tumatanggap lamang ng hindi lalagpas sa P80 milyon sa nakalipas na mga taon. Pinangangasiwaan ng GAB ang lahat ng professional sports sa bansa, kabilang ang mga bagong sports na jet ski, triathlon, mixed martial arts, three-point shootout at eSports.
"There are more presiding concerns like setting up OFW and disaster preparedness commissions," ayon kay Batocabe.
Sinabi rin ni Batocabe na walang kapalpakan ang liderato ng GAB na pinangangasiwaan ni dating Palawan Governor at Congressman Abraham ‘Baham’ Mitra.
Sa pangangasiwa ni Mitra, naisulong ng GAB ang liberng medical test sa lahat ng atleta, gayundin ang MRI at CT Scan sa mga contact sports tulad ng boxing, basketball at MMA.
Dahil dito, ginawaran ng prestihiyosong World Boxing Council (WBC) ‘Commission of the Year’ ang GAB noong 2017 WBC World Convention. Ginamit ding template ang naturang programa ng GAB sa lahat ng miyembro bansa ng WBC.
"If the WBC, which has more than 140 member-countries, recognizes the work of GAB, we should also do so,” ayon kay Batocabe.