SA grand presscon ng Fantastica, the Princesses, the Prince, the Perya, naikuwento ng lead star na si Vice Ganda na nagkaroon siya ng tyansang maka-heart to heart talk ang baguhang aktor na si Edward Barbers, na ka-love team ni Maymay Entrata.

Edward at Donny

Napapansin kasi ni Vice na sa tuwing may break time sila o kaya naghihintay ng set-up sa location ay tahimik ang binata at nasa isang tabi lang.

Kaya i-shinare ni Vice ang magandang usapan nila ni Edward na inihingi muna niya ng permiso.

Relasyon at Hiwalayan

Ion, muling ibinida ang pagmamahal kay Vice Ganda matapos magtanggal ng wig

“Hindi ko masasabing fun, pero ang memorable sa akin, when I was given the chance to talk to Edward.

“Si Donny (Pangilinan), nandun din. Kasi si Donny kapag naiinip, nagmamasahe, minamasahe niya kami, ako sa balikat.

“So nu’ng nakita ko si Edward na tahimik, I felt he was sad. Kaya tinanong ko siya, ‘Sad ka, Edward?’. ‘Wala po, hindi po’.

“So, umupo ako sa tapat ni Edward, ‘tapos si Donny, ginaganyan (minamasahe) ang likod ko. Nag-usap kami nang seryoso ni Edward at saka ni Donny.

“Sabi ko, ‘Bakit ka tahimik?’ Ang sabi niya, naguguluhan daw siya. Naguguluhan siya, naku-confuse siya. Kasi, magmula nang lumabas daw sila nina Maymay sa PBB (Pinoy Big Brother), dire-diretso na ang trabaho, ‘tapos yung stardom nila, palaki na nang palaki.

“He was not sure if he was prepared for it.”

“Parang when he entered PBB, gusto lang daw niya itong i-try, ‘tapos babalik na siya sa Germany, and he would just go back to his normal life—estudyante ‘tapos kasama ang kanyang pamilya. Eh, pagkatapos ng PBB, nagdire-diretso, ‘tapos naiba ang takbo ng buhay niya.

“‘Tapos, nu’ng nagsu-shooting kami, tulala siya, parang ‘di pa nagsi-sink in sa kanya ang mundong ginagalawan niya ngayon. Siya ‘yung, ‘Heto ba ang gusto ko? Happy ba ako? Pagod ba ako? Prepared ba ako? Heto na ang inaasahan ko paglabas ko?’ Kinausap ko siya.”

Na-gets ni Vice kung ano ang punto ni Edward kaya pinayuhan niya ang aktor tungkol sa naging buhay niya rin noon.

“Nag-share ako sa kanya ng ilang karanasan ko bilang baguhan din ako dati na maaaring magamit niya bilang tools, para mabuksan ang kaisipan niya.

“At in-explain ko sa kanya ang lahat ng purposes ng ito, kung paano nababawasan sa atin ang sadness in the midst of success. ‘Yung stress sa gitna ng tawanan, ‘yung lungkot sa gitna ng palakpakan, ‘yung katahimikan sa gitna ng ingay.

“Shinare ko lahat ‘yun sa kanya. Pagkatapos nun, nakangiti na siya. And he thanked me and I thanked him as well.

“Pati si Donny, nag-share din. Natuwa ako kay Donny kasi nung magkita kami ni Mommy niya (Maricel Laxa) sa birthday ni Mother Lily (Monteverde), she thanked me dahil kinausap ko nga raw si Donny at si Edward about life,” mahabang kuwento ni Vice.

Habang ikinukuwento ng It’s Showtime at GGV host ang usapan nila nina Edward at Donny ay naalala namin ang mga panahong nasa Laffline siya na iniimbita pa kami lagi ng dati niyang manager na si Ogie Diaz para panoorin at tsikahin si Vice.

Ang galing-galing na noon pa ng Phenomenal Unkabogable Star kaya tinanong namin noon si Ogie kung hindi pa ba magso-showbiz si Vice. “Wait ka lang” ang isinagot ni Ogie noon.

Hanggang isang araw masayang ibinalita ni Ogie na kinuha na nga ng ABS-CBN si Vice.

Bakit namin ito naikuwento ngayon? Kasi malaking hirap ang dinanas ni Vice bago niya narating ang puwesto niya ngayon, samantalang si Edward habang nasa loob ng Bahay ni Kuya ay sikat na at mas lalo pang sumikat nu’ng nakalabas na sila ni Maymay.

Gayundin si Donny na ‘tila hindi naman nakatikim ng matinding hirap bago nakapasok sa showbiz kung ikukumpara sa ibang artista na hanggang ngayon ay hindi pa rin sumisikat nang husto.

Ibig sabihin ni Vice, yakapin at pagbutihin nila kung anong mayroon sila ngayon dahil hindi lahat ay nabibigyan ng suwerte.

Anyway, base sa trailer ng Fantastica, the Princesses, the Prince, the Perya ay bentang-benta na ang katatawanan dito kaya naniniwala kami sa sinabi ni Vice na: “Maganda ito, hindi namin kayo sinisindikato.”

Mapapanood na simula sa Disyembre 25 ang Fantastica, the Princesses, the Prince, the Perya. Bukod kina Donny at Edward ay kasama rin sina Richard Gutierrez, Loisa Andalio at Ronnie Alonte, Kisses Delavin, Bela Padilla, Ryan Bang, ang award-winning actress na si Ms. Jaclyn Jose at si Dingdong Dantes.

-REGGEE BONOAN