DETALYE at kahalagahan sa provision ng constitution and by-laws ng Philippine Olympic Committee (POC) ang binigyan ng tibay ng Pasig court nang ipag-utos ang re-election sa Olympic body na naging daan sa pagkakaluklok ni Ricky Vargas at mapalitan ang anim na terminong dating pangulo na si Jose Cojuangco, Jr.

Buhain at Cantada

Buhain at Cantada

Ngunit, ngayong nasa poder na ng liderato ng POC, tila walang halaga kay Vargas ang pagsunod sa itinatadhana ng constitution ng Olympic body, higit ang kapangyarihan ng General Assembly.

Ito ang nagkakaisang pananaw ng mga sports liders ng Philippine Amateur Swimming Association (PASA) at Philippine Volleyball Federation (PVF) – dalawang asosasyon na may malaking impact sa sports development ng bansa – ngunit, nananatiling balot sa kontrobersya at legalidad sa nakalipas na mga taon.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

‘Parang taingang-kawali ang POC. Lahat ng legal na pamamaraan ay aming sinusunod. Sumulat na kami kay Mr. Vargas ng ilang beses, pero hindi pa rin kami napagbibigyan. Ang tanging hiling lang naman naming, eh! idaan sa General Assembly ang usapin,” pahayag ni PVF president Edgardo ‘Tito Boy’ Cantada.

“Ngayon, the FIVB during the World Congress last Nov. 24 ay nagbotohan na at lumabas na hindi kami pinatatalsik bilang miyembro. Kami pa rin ang kinikilala ng FIVB, walang rason para kilalanin ang LVPI dahil ang PVF ang nananatiling recognized association sa International Federation,” aniya.

Ang LVPI (Larong Volleyball sa Pilipinas, Inc.) ay binuo nang mga kaalyado ni Cojuangco at sa impluwensiya ng ilang opisyal sa Asian Volleyball Federation ay nagawa nitong makapasok sa international community. Pinamumunuan ito ngayon ni Peter Cayco.

“Malinaw ang desisyon ng FIVB, kung hindi kami inaalis, walang bakante para sa LVPI. Ngayon, hindi pa ba ito sapat kay Mr. Vargas para bigyan kami ng hustisya. Nakikiusap na kami, noon pa, hayaan po ninyo kaming makapagsalita sa General Assembly,” sambit ni Cantada.

Ganito rin ang panawagan ng swimming icons na sina Olympain Eric Buhain, Akiko Thompson, coach Pinky Brosas at Ral Rosario sa POC at hiniling kay Vargas na kalusin ang pagmamando ni Lani Velasco sa Philippine Swimming Inc.

Sa pinakabagong sulat ng grupo, sa pamamagitan ni legal counsel na si Marilou Arzaga-Mendoza, hiniling nila sa POC na huwag kilalanin ang personalidad ni Velasco sa PSI dahil ilegal ang kanyang pamumuno sa asosasyon.

“Up to this date, there is a continuing usurpation of authority and misrepresentation by Lailani Velasco and her cohorts. Our clients cannot emphasize enough that these people are not authorized to represent PSI in any capacity since her appointment by Mark Joseph Powell is was never approved by the Board, and is contrary to the PSI By-Laws,” pahayag ni Mendoza.

Sina Buhain, dating Philippine Sports Commission (PSC) chairman, ang dating PSC Commissioner na si Akiko Thompsona at Ral Rosario ay pawang miyembro ng orihinal na Board ng PASA.

Ikinagulat din ng grupo kung bakit nananatiling kapit ang POC kay Velasco, gayung binalewala ng POC ang election na ginawa nito nitong Pebrero 17, 2018 at isinailalim sa arbitration proceeding ang swimming sa pangangasiwa ni dating Olympic representative to the Philippines Frank Elizalde.

“The POC must act swiftly. Wala kaming problema kung mag-election, pero huwag nating idis-enfranchise yung mga orihinal na miyembro ng Board.,” ayon kay Buhain.

Aniya, nagsagawa ng Congress meeting at election ang grupo ni Velasco nitong Biyernes.

-Edwin Rollon