NAGSIMULANG tumaas ang presyo ng mga bilihin nitong Enero 2018, sa pagpapatupad ng P2 taripa sa mga inaangkat na diesel kasabay ng pagtaas ng pandaigdigang presyo ng langis. Sa nakalipas na mga buwan, iginiit ng pamahalaan na ang nararanasang inflation ay pangunahing dulot ng sitwasyon ng pandaigdigang presyo ng langis, hindi ang bagong buwis. Itinuon ng pamahalaan ang pagpapababa sa presyo ng bigas, sa pag-uutos ng “unimpeded” na pag-aangkat mula Vietnam at Thailand.
Nitong unang bahagi ng buwan, inamin ng mga economic managers ng pamahalaan na ang P2 taripa na ipinataw sa pamamagitan ng TRAIN tax law ay maaaring may malaking bahagi sa inflation at inirekomenda na suspendehin ang panibagong pagtaas ng taripa sa TRAIN law ng P2 kada litro ng diesel para sa 2019 dagdag pa ang 24 sentimos na Value-Added Tax (VAT).
Isa itong magandang balita para sa mga ilaw ng tahanan sa bansa na dumanas ng walang patumanggang pagtaas ng presyo ng mga bilihin nitong mga nakaraang buwan. Nabigyan din ang mga tsuper ng jeep ng espesyal na ayuda—ang P9 na pamasahe ay itinaas sa P10.
Hanggang nitong Lunes, sinabi ni presidential spokesman Salvador Panelo na ikinokonsidera ng Malacañang ang mungkahi ng mga economic managers na ipagpatuloy ang dagdag na P2.24 tariff-plus-VAT sa mga angkat na diesel, ngayong nagsisimula na umanong bumaba ang pandaigdigang presyo ng langis. Sinabi ng Pangulo na kokonsultahin niya ang gabinete para sa desisyon.
Nagpaalala naman si Senador Sherwin Gatchalian, pinuno ng Senate Committee on Economic Affairs, at ang iba pang mga senador na ang pagtataas ng buwis ng gasolina sa 2019 ay maaaring humantong sa panibagong bugso ng inflation. Inihayag ng Nagkaisa labor coalition na umaasa sila na bababa ang mga presyo, isang maliit na ginhawa matapos ang ilang buwang pagtaas ng presyo. Ngunit ngayon ay nagbabadyang muling tumaas ang presyo sa 2019 sa pagpapatupad ng bagong taripa at VAT.
Para sa tsuper ng jeep, nahaharap sila sa pagbaba ng pamasahe. Nitong nakaraang Lunes, nagpalabas ng rollback ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB). Halos dalawang buwan lamang natamasa ng mga jeepney driver ang pisong dagdag na pamasahe.
Maaalala ang 2018 bilang taon ng mataas na presyo at kakulangan ng bigas. Inabot ng ilang buwan bago simulang naramdaman ng mga mamamayan ang resulta ng pagsisikap ng pamahalaan na mapaayos ang sitwasyon. Ngunit ngayon, nagbabalik ang mga pangamba na muli na namang magtataas ang presyo ng mga bilihin, dahil makalipas lamang ang ilang linggong bahagyang pagbuti sa sitwasyon ng ekonomiya, gusto na agad ng mga economic managers ng pamahalaan na ipagpatuloy ang kanilang orihinal na plano para sa dagdag na buwis at magdudulot naman ng dagdag na kita sa pamahalaan