SA liturgical calendar ng Simbahang Katoliko, ang ika-8 Disyembre ay natatanging araw sapagkat ipinagdiriwang ang kapistahan ng Immaculada Concepcion o Imamaculate Conception. Ang kalinis-linisang paglilihi kay Birheng Maria – ang Patroness ng Pilipinas at tinawag na “Pueblo Amante de Maria” o bansang minahal ni Maria.
Bahagi ng pagdiriwang ng Immaculate Concepcion ang pagdaraos ng misa sa mga simbahan sa umaga at hapon. Kasunod ang prusisyon na tampok ang imahen ng Immaculada Concepcion. Kasama sa prusisyon ang mga parishioner, mga mag-aaral at ang mga deboto ng Immaculada Concepcion. Sa Manila Cathedral, bahagi ng pagdiriwang ang Grand Marian Procession. Tampok ang mga imahen ng Mahal na Birhen Maria na nasa karosa at andas na may iba’t ibang pangalan. Matapos ang Grand Marian Procession ay concelebrated mass, na pangungunahan ng Archbishop ng Maynila.
Sa kasaysayan, nagsimula ang pagdiriwang ng Immaculada Concepcion noong ika-8 siglo. Pinalaganap ni Pope Sixto IV ang pagdiriwang ng kapistahan sa daigdig noong 1476. Pagsapit ang Disyembre 8, 1854, sa harap ng 54 na kardinal, 42 arsobispo, 92 obispo at ng ‘di mabilang na mga deboto mula sa iba’t ibang panig ng mundo, nilinaw at ipinag-utos ni Pope Pius IX ang dogma o teaching ng Simbahan ng Immaculada Concepcion.
Ipinahayag na si Maria, sa kabila ng pagiging Ina ni Kristo, ay nanatiling ligtas sa orihinal na kasalanan sa simula pa man ng kanyang buhay. Si Maria ang obra maestra o kathambuhay ng mapanubos na pag-ibig at talino ng Diyos. Ang Immaculada Concepcion ay pagdiriwang ng pagbibigay-dangal sa lahi ng sangkatauhan. Si Maria ang ispirituwal na Ina ng lahat ng tao.
Ayon naman sa pahayag ni Pope Paul VI (isa sa mga Papa na dumalaw sa Pilipinas noong 1971 at 1981) na may pamagat na “Marialis Cultus”o Culture of Mary, si Maria ay minahal ng Diyos para sa kapakanan at kabutihan ng tao. Siya’y dangal ng ating lahi.
Ang tawag na Immaculada Concepcion ay natatanging handog na tinanggap ng Mahal na Birhen sa Blessed Trinity o SantisimaTrinidad sapagkat siya ang magiging Ina ng Mananakop. Nakatayo si Maria sa harap natin na pinakamaliwanag na bukang-liwayway na nagbabalita at nag-aalay kay Jesus na ating Banal na Mananakop.
Bukod sa mga nabanggit, sa lahat ng mga nilikhang nabuhay at mabubuhay pa sa mundo, wala nang iba kundi si Kristo ang nagkamit ng biyayang ipinagkaloob sa Mahal na Birhen Maria. Siya ang ganap na hangarin ng Dakilang Lumikha na naging katuparang anyo ng lahat ng tao na walang bahid ng kasalanan. Tatanggap ng Kanyang biyaya at susundin ang Kanyang kalooban. Magmamahal sa Diyos at sa lahat ng minamahal ng Dakilang Maykapal.
Bilang patunay sa tradisyon ng pagdiriwang ng kapistahan ng Immaculada Concepcion, ang paniniwala ay nakabatay sa nilalaman ng Bibliya sa Ebanghelyo ni San Lucas 1: 26-28. “At nang ikaanim na buwan nga’y isinugo ng Diyos ang anghel na si Gabriel sa isang bayan sa Galilea sa Nazareth. Sa isang dalagang mag-aasawa sa isang lalake na ang ngala’y Jose sa angkan ni David. Maria ang pangalan ng dalaga. Paglapit ng anghel sa kinaroroonan ng dalaga, binati niya ito. ‘Magalak ka, ikaw na totoong pinakamamahal, ang Panginoon ay sumasaiyo. Aba Maria, napupuno ka ng grasya, ang Panginoon ay sumasaiyo. Bukod kang pinagpala sa babaing lahat.’”
Ang pahayag na ito ni San Gabriel Arkanghel ay itinuturing na pinakamahalagang pahayag sa kasaysayan ng sangkatauhan. Naging bahagi na rin ito ng dasal ng mga Kristiyanong Katoliko kay Maria. Nilapatan din ito ng musika. Isinalin sa Ingles at Latin at naging isang awit. Isang halimbawa: “Ave Maria, Gratia Plena, Dominus Tecum; Benedicta Tu In Mulieribus.”
Kaugnay ng pagdiriwang ng Immaculada Concepcion, nagdiriwang ng kapistahan ang Antipolo City sa Rizal; Naic, Cavite, Pasig City, Malabon City, Concepcion, Marikina City, Concepcion, Tarlac at iba pang bayan at mga barangay sa iba’t ibang panig ng bansa na ang Immaculate Concepcion ang kanilang patroness.
-Clemen Bautista