“KAILANGAN maging alisto ang Senado sa mga bultong pondo at ang polisiya ng pagpopondo. Galing ito sa kamara at kailangan mag-ingat kami,” pahayag ni Sen. Sherwin Gatchalian sa panayam sa radio DZBB. Ang tinutukoy ng senador ay ang panukalang budget na nagkakahalaga ng P3.757 trilyon na nakapasa na sa Kamara. Kailangan, aniya, ang lubos na pag-aaral sa general appropriations bill dahil may mga huling minutong pagbabago at isiningit dito ang mababang kapulungan ng Kongreso.
Ayon sa Senador, na siyang chairman ng Senate economic affairs panel, baka magahol sila sa panahon para sa pagsisiyasat ng budget.
Ang bultong pondo o lump sum na dati ay tinaguriang Priority Development Assistance Fund (PDAF) ay ideneklarang unconstitutional ng Korte Suprema. Inilaan kasi ito na pondong malayang magagastos ng mga mambabatas sa kanilang sariling proyekto. Ang P10 bilyong PDAF ay nailaan sa mga ghost project na pinagkakitaang kickback ng mga mambabatas, na kinondena ng taumbayan.
Sa masusing pag-aaral ng mga senador sa budget, nakita nila ang isiningit na “Tulong-Dunong” program na pinaglaanan ng P3 bilyon na nasa Commission on Higher Education (CHEd). Iginiit ni Sen. Ping Lacson na ito ay pork barrel, na noon pa man ay tutol na siya rito, sa pamamaraan na paglalaan ng pondo ng bayan. Ang Tulong-Dunong program ay scholarship program na epektibong pinairal ng mga mambabatas sa pamamagitan ng pagkakaloob ng scholarship sa kanilang nasasakupan, ayon kay Ping. Trabaho umano ito ng ehekutibo. “May mga mambatas na sila mismo ang nagmumudmod ng kani-kanilang tseke,” sabi pa niya. Aminado si Sen. Loren Legarda, chair ng Senate Committee on Finance, na pork nga itong scholarship program, pero wala umanong masama sa mga senador at kongresista na gumawa ng pagbabago sa budget para sa mga proyektong katulad ng Tulong-Dunong, na malaking benepisyo sa mga estudyante. Ngunit tama si Lacson sa kanyang argumento na: “Hindi tungkulin ng mga mambabatas ang magpatupad ng mga proyekto. Ito ay sariling trabaho ng ehekutibo.”
Ayon kay Sen. Lacson, si Speaker Gloria Macapagal-Arroyo ay may pinakamalaking bahagi ng pork barrel sa mababang kapulungan ng Kongreso. May nakalaan umanong P2.4 bilyong halaga ng mga proyekto sa kanyang distrito pagkatapos ng last minute realignment sa budget para sa 2019. Kabilang dito ang P500 milyon para sa farm-to-market roads. Bukod sa bayan ni Arroyo, ang distrito ng congressman sa Camarines Sur ay may P1.9 bilyong pondo na nakalaan sa proyekto. Bagamat hindi pinalanganan ng Senador, ang congressman ng nasabing lugar ay si Rolando Andaya, ang budget officer ni Arroyo noong siya ay pangulo. “Maliban kina Rep. Arroyo at Andaya, halos lahat o lahat ng mga kongresista ay may tig-60 milyong pisong halaga ng proyekto,” dagdag pa ng Senador.
Hindi nagpaipit ang mga senador sa maikling panahong ibinigay ng Kamara sa kanila para aprubahan ang budget. Tinutupad nila ang kanilang tungkuling pangalagaan ang salapi ng bayan upang sila talaga ang makinabang nito at hindi ang ibang mga tao, lalo na iyong pinagkalooban nila ng kapangyarihan, na sa kanilang pag-aaral sa budget ay lumalabas na sila ay bantay-salakay.
SIYETE
-Ric Valmonte