Walang plano ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na irekomenda kay Pangulong Duterte na suspendihin ang operasyon ng militar laban sa mga komunista, sa kabila ng deklarasyon kahapon ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) na magpapatupad ito ng limang araw na unilateral ceasefire bilang bahagi ng pagdiriwang ng holiday season at ng ika-50 anibersaryo ng kilusan.

Sa isang panayam, iginiit ni AFP Spokesman Brig. Gen. Edgard Arevalo na hindi sila magrerekomenda ng SOMO o suspension of military operations sa CPP-NPA, dahil sa kawalan ng sinseridad ng grupo at batay sa dati na nitong record ng paglabag sa ceasefire.

Ayon kay Arevalo, noon ay pumapayag ang AFP sa tigil-putukan dahil sa kagustuhan nilang magkaroon ng pangmatagalang kapayapaan sa bansa.

Sinabi pa ni Arevalo na ginagamit lang ng CPP-NPA ang holiday ceasefire para isulong ang nais ng mga ito na “recruit, refurbish and regroup” upang mapalakas ang kilusan pagkatapos ng ceasefire.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

“Gusto nilang makakuha ng maneuver space sa kanilang gustong gawing pagse-celebrate ng 50th anniversary which in the eyes of the Armed Forces ay wala naman silang reason to celebrate because at this time their numbers continue to dwindle,” ani Arevalo.

“We will not recommend, we will not reciprocate. As a matter of fact kaya naman ‘yan unilateral, mag-declare sila, mag-declare kami ng sa amin, nasa kanila ‘yun. To me, to us, it’s a gambit na gusto nilang gawin para sa gunun sumagot tayo but we already learned our lessons of the past,” paliwanag pa ni Arevalo.

Sa isang post ng Philippine Revolution Web Central (PRWC) nitong Biyernes, ipinag-utos nito sa CPP, NPA, at people’s militia ang pansamatalang paghinto ng opensiba at operasyon laban sa AFP at pulisya simula 12:01 ng umaga ng Disyembre 24 hanggang 11:59 ng Disyembre 26, 2018, at 12:01 ng Disyembre 31 hanggang 11:59 ng Enero 1, 2019.

-Francis T. Wakefield at Antonio L. Colina IV