TATANGGAP ng tulong pangkabuhayan ang mga pribadong manggagawa ng Soccsksargen region na sumusuweldo ng minimum, sa pamamagitan ng unang Sustainable Livelihood Program (SLP) Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ibinahagi ni Jessie dela Cruz, kalihim ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB)-12 (Soccsksargen), na sumang-ayon ang DSWD na isama ang mga minimum wage earner ng rehiyon sa programang pangkabuhayan bilang ayuda sa gitna ng tumataas na presyo ng mga bilihin sa nakalipas na mga buwan.
Ayon kay Dela Cruz, ang hakbang na ito ay base sa resolusyon na isinumite kamakailan ng board at ng Department of Labor and Employment (DOLE)-12 sa National Wages and Productivity Commission at sa DSWD central office.
Kasabay ng pagbanggit sa liham mula kay Social Welfare Undersecretary Emmanuel Leyco, sinabi niyang naaprubahan ang mungkahi, basta may tamang proseso at panuntunan ng programang pagbabatayan.
Sinabi ni Dela Cruz na binigyan na ng direktiba ni Leyco si DSWD-12 Director Bai Zorahayda Taha na makipag-ugnayan sa DOLE-12 para sa pagpapatupad at pagkuha ng listahan ng magiging benepisyaryo.
“We’re currently in the process of identifying the companies and workers who may avail of the assistance,” pahayag niya sa isang pulong balitaan.
Inilunsad noong 2013, ang SLP ay isang capability-building program na tumutulong sa mahihirap at marginalized na sektor para lumahok sa mga proyekto na tulong pangkabuhayan upang mapabuti ang kanilang sitwasyong pinansiyal.
Unang inilaan ang programa para sa mga benepisyaryo ng conditional cash transfer program ngunit mas pinalawak na ito upang masakop ng programa ang marginalized na sektor at grupo ng mga komunidad.
Ngayong taon, nakapaglabas na ang DSWD-12 ng nasa higit P16.1 milyon halaga ng tulong para magsilbing puhunan sa mahigit 41 kinikilalang grupo na saklaw ng SLP intervention.
Bukod sa tulong pangkabuhayan, sinabi ni Dela Cruz na humiling din ang RTWPB-12 ng probisyon para bigyan ng diskuwento ang mga minimum wage earner sa pagbili ng mga bigas sa National Food Authority.
Aniya, hangad din nilang maisama ang mga interesadong manggagawa sa libreng pagsasanay na programa ng Technical Education Skills and Development Authority (TESDA).
“These are now being evaluated by the concerned agencies and we’re also hoping for their approval,” saad pa ni Dela Cruz.
PNA