Sensiya at teknolohiya. Dalawang bagay itong malaki ang nagawang impluwensiya at patuloy na nagbibigay hugis sa lahat ng aspeto ng buhay at karanasan ng sangkatauhan – mula sa pag-uugali at panlipunang sistema, ugnayang pampulitika at pangkabuhayan, komunikasyon at relasyon ng mga bansa, mga giyera at pangkalawakang mga inisyatibo at iba pa.
Marami sa mga ito ay nakatutok upang isulong ang pangkalahatang kabutihan, bagamat ang ilan ay negatibo ang dulot na bunga gaya ng pagkasira ng kapaligiran at ang nakahihindik na ‘climate change’ o pagbabago ng panahon na nagbubunga ng malalakas na bagyong sumasalanta sa maraming mga bansa.
Dahil sa mga ito, itinuon ang tema ng katatapos na ika-23 National Press Congress ng Publishers Association of the Philippines, Inc. (PAPI) na ginanap sa BayLeaf Hotel sa Intramuros, Manila sa paksang “Science and Technology as engines and prime movers towards inclusive growth and national development”. Iyan mismo ang tema.
Ang taunang National Press Congress ng PAPI ay naaayon sa mandato ng Presidential Proclamation 1187 na nagtalaga sa Disyembre bilang “Month of the Community Press in the service of the nation,” at sa PAPI bilang tagapagtaguyod nito. Maliwanag ang mensahe ng tema.
Kasama sa mahahalagang tampok ng kaganapan na magkatuwang na itinaguyod ng PAPI at National Capital Regional office ng Department of Science and Technology (DoST-NCR), ang ‘keynote address’ ni DoST Secretary Fortunato dela Peña at ang kasunod agad na ‘press conference’ na pinamatnugutan niya; ang ‘media security update’ ni PCOO USec. Joel Egco, executive director ng Presidential Task Force on Media Security; at ang ‘Senatoriables’ Forum.’
Layunin ng pagtutok sa siyensiya at teknolohiya ang mapataas ang antas ng kamalayan ng publiko tungkol sa dalawang napakahalagang bagay na ito, sa pamamagitan ng tulong ng mga mamamahayag ng PAPI sa mga lalawigan, at maunawaan at suportahan nila ang mga programa ng DoST sa naturang larangan.
Tunay na napakahalaga ng ginawang ugnayan ng PAPI at DoST sa ginanap na press congress at marapat lamang na batiin at pasalamatan sina PAPI president Nelson Santos at DoST-NCR Director Jojo Patalinjug. Sana ay magtuluy-tuloy ang ugnayan at pagtutulungan ng kanilang mga ahensiya.
Sampung kandidato sa pagka-senador ang sumali sa Senatoriables’ Forum, kasama sina ‘election lawyer’ Romulo Macalintal, dating DILG Secretary Rafael Alunan, Magdalo partylist Rep. Gary Alejano, LaSalle University dean Chilo Diokno, Harry Roque, Prof. Toti Casino, Rizalito David at Lorenzo Gadon, at iba pa.
-Johnny Dayang